Karagdagang Internal Revenue Allotment (IRA) para sa mabubuong mga bagong probinsiya ng Palawan, walang kasiguraduhan ayon kay One Palawan lead Campaigner Cynthia Sumagaysay-del Rosario. Ito ay taliwas sa ipinangako ng 3N1 proponents na dodoble umano ang IRA sa oras na mabuo na ang mga bagong probinsiya.
Matatandaang sa mga naunang pahayag ng mga sumusulong ng paghahati ng Palawan, sinabi nilang ang IRA ng Palawan na mula P3 bilyon ay magiging P6 bilyon na sa 2022. Ngunit ayon kay Del Rosario, malabo nang mangyari iyon kung pagbabasehan ang kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
“Banggitin ko na rin ang ipinangakong IRA ng mga nagsusulong ng Pala-3 na dodoble by 2022, malabo pong mangyari dahil kung matatandaan, noong panahon ni Erap nagkaroon din ng financial crisis sa ASEAN, ang IRA no’n ibinaba sa mga LGU kasi di kaya ng budget, ng economy; mas lalo ngayon sa kalagayan ng ating bansa,” ayon kay One Palawan lead campaigner Cynthia Sumagaysay-del Rosario sa virtual press conference kahapon. Isinagawa ang nasabing online activity bilang kasagutan ng Comelec sa liham ng iba’t ibang indibidwal at simbahan kontra paghahati ng Palawan.
Ani del Rosario, sa narinig niyang mga sinabi ni Pangulong Duterte sa kanyang State of Nation Address (SONA) kamakalawa, matinding recovery ang kailangan para makabawi ang naapektuhang ekonomiya ng bansa.
“Isipin natin na ang pangako nila na dodoblehin ang IRA sa 2022…, malabo na pong mangyari ‘yon. Lalo na ngayon, napakinggan ko ang SONA ni President Duterte, sabi niya ‘Medyo tagilid no, mahabang recovery ang kailangan.’ Hindi lang ‘to sa Pilipinas [kundi] globally. In fact, even in the US ay pumapasok na sa recession, ganoondin ang bansa natin. So, itong sinasabi nilang limpak-limpak ‘yong pera ng divided provinces, hindi ‘yan totoo. Recovery muna dapat ang priority ng bayan bago isulong ‘yang kagustuhan nila,” aniya.
KASAGUTAN NG COMELEC SA KANILANG LIHAM
Sa kabilang dako, sa nasabing virtual meeting ay inilatag ng One Palawan ang kasagutang liham ng Comelec para sa lead campaigner ng One Palawan na may petsang July 16, 2020 at pirmado ni Comelec Acting Deputy Executive Director for Operations Helen G. Aguila-Flores.
Ang naturang liham ay tugon ng ahensiya sa ipinadalang email ni del Rosario sa Office of the Malacanang Citizen’s Complaint Hotline kaugnay sa hiling nitong suspindihin ang plebisito sa paghahati ng Palawan at ang ang notice kung mayroon nga bang indefinite suspension sa nasabing plebisito. Ipinabatid din ng Komisyon na may mga kahawig ding petisyon at mga kahilingan silang natanggap kaugnay sa paghahati ng Palawan.
Dahil aniya sa pandemic situation ay kinonsulta ng Commission En Banc ang Inter-agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) sa kung ano ang kanilang kuro-kuro sa pagsasagawa ng plebesito dahil sa mga banta dulot ng COVID-19 kung ipatutupad ang nasabing mga hakbangin sa ngayon.
Kabilang sa mga inirekomenda ng IATF-EID ay ang paghahanap ng ibang paraan para ipagpaliban muna ang plebisito at gawin na lamang ito kapag maayos na ang sitwasyon. Hiniling din ng IATF-EID na mag-isip ng ibang pamamaraan patungkol sa pagpapaikli ng oras ng pagboto para maiwasan ang pagkahawa sa COVID-19. Dagdag pang panukala ang pagsasagawa ng mga kinakailangang consultative meeting sa DepEd ukol sa pagkakaroon ng sapat na mga guro, DOH para sa health protocol, DILG at LGUs para sa pagdagdag ng pondo at pagdagdag sa polling precincts, PNP na magpapatupad nito, action plan para sa strategic communication, at iba pa.
Nakaantala rin ang presentasyon ng Comelec sa IATF-EID hanggat hindi nagagawa ang nasabing mga requests.
Noong Hulyo 8 naman ay in-adopt ng Comelec En Banc ang nasabing mga rekomendasyon ng IATF-EID sa bisa ng Memorandum No. 200342 na may petsang July 9, 2020 mula kay Dir. Consuelo Diola ng Tanggapan ng Kalihim ng Comelec.
Nang dahil dito, hanggat hindi naisusumite ng Comelec sa IATF-EID ang mga nakasaad na kahilingan at sa pag-aapruba ng IATF-EID sa pagsasagawa ng anumang electoral exercise, ipinabatid ng Komisyon na ipinagpaliban muna ang anumang petisyon kaugnay sa plebesito sa Lalawigan ng Palawan at sa lahat ng lugar dahil sa sitwasyon ng pandemya sa bansa.
PONDO PARA SA PLEBESITO
Naungkat din ang initial budget para sa plebesito na P80 milyon na ayon sa grupo, makatutulong na nang malaki kung gagamitin muna sa pangangailangan ngayong krisis sa halip na gamitin sa plebesito. “At hindi rin makatwiran na ang na ang budget na dapat magamit sa health care, dito sa totoong pangangailangan ng mga tao ngayon ay mapupunta sa plebesito na hindi naman ganoon ka-priority,” ani Del Rosario.
‘WALANG GINAWANG KONSULTASYON’
Tahasan din niyang sinabi na ginawa ang pagsasabatas ng RA 11295 ng may pandaraya, minadali, at itinago sa tao kaya nagulantang na lamang umano ang lahat na naaprubahan na iyon nang walang ginawang malawakang konsultasyon. Hindi umano natanong ang mga kasulok-sulukang bahagi ng probinsiya na mungkahi rin ng may-akda ng Local Government Code na si Nene Pimentel.
“Ang ginagawa nilang IEC campaign, after na the fact na ‘yon eh, napirmahan na ‘yong batas ni President Duterte. So, hindi na iyon counted na pubic consultation. ‘Pag sinabing public consultation, ibig sabihin, ‘yong ginagawa mong batas na dadalhin mo sa Kongreso, dapat ‘yan ay clamor ng mga mamamayan. Dapat tinanong muna sila isa-isa kung ‘yon ba ay kagustuhan nila. [Sa kaso ngayon], hindi! ‘Yan ay kagustuhan ng mga pulitiko kaya ayaw namin ‘yan,” giit niya.
Muling iginiit ng grupo na naiiba ang status ng Palawan na kailangang maproteksyunan, kaya may PCSD na natatatangi lamang sa lalawigan at kaya kailangang mayroong ginagawang feasibility study at cost-benefit study kapag may nais itayong proyekto sa probinsiya.
“Ang linaw naman, kaya rin namin ito tinututulan, [kasi] sinu-sino ba ang mga uupo sa mga bagong posisyon? Sila-sila rin na kasama ng iisang pamilya; at ang pagpaparami ng posisyon ay pabigat sa bulsa ng taumbayan,” komento pa ni del Rosario.
PAGTUTOL NG GRUPO NG IPs SA CULION
Sa kasalukuyan, nakikiusap ang chairman ng PAGKETEL KTA, isang federation ng mga IPs sa Bayan ng Culion na si Larry Sinamay, na huwag munang unahin ang plebesito.
“Hinihiling namin na sana hindi po muna ituloy ang plebesito kasi kaming mga katutubong Tagbanua, na apektado po kami sa nasabing COVID-19 kaya hinihiling po namin sa Comelec na hindi muna ituloy dahil maraming tao ang [posibleng magkahawa-hawa sa COVID-19] sa pagpunta sa mga presinto upang makaboto. Ang mga matatanda, ang mga elder, natatakot po kami na baka mapektuhan sila. Pangalawa, ang amin po munang tinututukan sa ngayon ay hanapbuhay dahil hirap po kami, wala pong pangpagkain sa pang-araw-araw,” aniya.
Susog naman ni del Rosario, kung matatandaan ay nagkukulang na nga ang testing cartridges para sa RT-PCR test, ang mga PPEs, at ang quarantine facilities para lagakan ng mga nagpositibo sa COVID-19 kaya iyon ang dapat na i-prioritize at hindi ang plebesito.
Aniya, kailangang maintindihan ng lahat kung bakit kailangang isuspende muna ang plebesito dahil ito ay nangangailangan ng mga aktibidad na pagsasama-sama ng mga tao bago ang aktuwal na plebesito gaya ng pagsasagawa ng mga rally at assembly sa kadahilanang kailangang ipaunawa sa kanila kung ano ang plebesito at ang mga kaakibat nitong mga isyu. Iba pa umano rito ang aktuwal na botohan at ang post-plebiscite activities.
“Dito po sa Palawan, first time po mangyayari na wala po tayong kakamping malalaking tao na even the business sector, they are not speaking. Ito po ay grassroot fight po talaga ito, purong taumbayan po ito kaya exciting kung tutuusin para sa akin. Gusto ko kasing makita na ang mga tao is empowered to change their future,” ayon pa sa lead campaigner ng One Palawan.
MIND CONDITIONING?
Ukol naman sa tila tiyak na ang kampo ng Pamahalaang Panlalawigan na magwawagi sila sa plebesito, ang komento ni del Rosario ay mind conditioning lamang iyon.
“Mind conditioning ang ginagawa [nila]. Naniniwala kasi tayo sa Divine Providence. Kung itong nangyayari sa atin na patapos na ang July na hindi pa rin nangyayari ang plebesito, may tumutulong po sa atin sa itaas. Gayunpaman, kahit sila ay sigurado, hindi ibig sabihin, sila ay mapagbibigyan, matutupad ang kagustuhan nila,” aniya.
At kung sakalimang matutuloy ang plebesito ay mapipilitan din umano ang One Palawan na magkaroon din ng mga plano gaya ng pangangampanya, pagkakaroon ng poll watchers, upang kahit papaano ay may laban din umano ang kanilang grupo. Kahit mahirap man umano ang sitwasyon lalo na at wala silang pondo at umaasa lamang sa boluntaryong pagkilos at suporta ng mga mamamayan ay kailangan nilang gawin ang mga dapat gawin.
APELA MULA SA HANAY NG MGA KABATAAN
Umaapela naman si Arvee Salazar, isa rin sa mga sumulat sa Comelec na ipagpaliban muna ang plebesito, sa mga kabataan na magtulong-tulong sa pagpapaabot ng mensahe sa mga mamamayan ukol sa importanteng usapin na kinakaharap ng probinsiya.
Nakikiusap siya mga Palawenyo, lalo na sa mga kabataan na mag-isip at manindigan at huwag na lamang umano basta-basta umayon sa desisyon ng mga namumuno.
“Kailangang pag-isipan po natin itong mabuti kasi kinabukasan po ito ng mga sunod na henerasyon at kinabukasan ng Palawan,” aniya.
Giit pa ni Salazar, sa ganitong sitwasyon ng probinsiya, ayusin muna ang kasalukuyang kinakaharap ng lalawigan, at saka na atupagin ang plebesito. Dahil kapag ipilit pa rin umano ang nasabing aktibidad, nangangamba siya kung paano matitiyak na masusunod ang social distancing at ang pagpapatupad ng maayos ng mga protocol.
At aniya, hindi tamang papipiliin ang mga mamamayan sa pagitan ng kalusugan at karapatang bomoto dahil pwede namang napoprotektahan ang kalusugan ng isang botante at nakalalahok pa rin sa pagboto sa kung pabor ba siya o hindi sa division of Palawan.
KUNG MANANALO ANG PAGHAHATI SA PALAWAN SA PLEBESITO
Ayon pa kay del Rosario, kapag lumabas sa plebesito na nagwagi ang paghahati ng Palawan at hindi pa lumalabas ang Supreme Court (SC) decision para sa kanilang mga inihaing apela ay posibleng mawalan pa rin iyon ng bisa kung sila ang papanigan ng SC. Aniya, gaya na lamang umano ng nabasa niyang jurisprudence na nanalo na sa isang plebesito sa Negros ang paghahati ng isang lugar ngunit nagdesisyon ang Kataas-taasang Hukuman na ilegal ang batas at unconstitutional kaya napawalang-bisa.
Ngunit sakaling man umanong manalo ang “Yes” at sasabihin ng SC na walang problema sa batas ay hindi na nila maaaring kwestyunin pa iyon at maaaring may leksyong dapat na matutunan ang mga mamamayan at kailangang tanggapin na lamang ng maluwag sa dibdib.