Lalaki, naaresto matapos pagbantaan ang isang driver sa El Nido

Photo from Palawan Provincial Police Office

Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki sa Barangay Masagana, El Nido, Palawan, noong Disyembre 28, matapos pagbantaan at tutukan ng baril ang isang driver.
Kinilala ang biktima na si Andrew Daquer, 41-anyos, at residente ng Barangay Villa Libertad, habang ang suspek ay kinilala na si alias “Mar,” 29-anyos at residente ng El Nido, Palawan.
Ayon sa imbestigasyon ng PNP, habang ang biktima ay nasa kanyang tricycle na naka-park sa Hama Street, Barangay Masagana, dumating ang suspek na nakamotor at biglang nagbanta at nilapitan ang biktima.
Pagkatapos, nag-park ang suspek ng kanyang sasakyan at hinugot ang kanyang improvised shotgun (paltik) at itinuro ito nang diretso sa biktima. Ang biktima ay tumakbo at humingi ng tulong sa mga tauhan ng El Nido MPS na humantong sa pag-aresto sa suspek.
Kinumpiska mula sa kanyang kontrol at pangangalaga ang mga sumusunod: isang (1) improvised shotgun (paltik), may laman ang chamber, isang (1) piraso ng live ammunition ng shotgun (may laman ang chamber), dalawang (2) piraso ng live ammunition ng shotgun, at isang (1) unit ng improvised caliber 22 (paltik).
Bukod dito, pumalag at nagmatigas rin ang suspek sa mga pulis na umaresto sa kanya.
Samantala ang naarestong suspek ay inilagak sa pangangalaga ng El Nido MPS para sa tamang disposisyon at sinampahan na rin ng kaukulang kaso.
Exit mobile version