Magsasaka sa Española pinagtataga, patay

Tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at wala ng buhay nang matagpuan ang isang magsasaka sa Brgy. Pulot Center sa Bayan ng Sofronio Española noong araw ng Biyernes, Mayo 15. Kinilala ang biktima na si Virgilio “Gigong” Bagona de Leon, 58 taong gulang, may asawa at residente rin ng nabanggit na lugar.

Batay sa spot report na ipinadala ng tagapagsalita ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na si PCapt. Ric Ramos mula sa PNP Espanola, nakita na lamang umano si de Leon ng kanyang mga kapitbahay na nakahandusay sa lupa at wala ng buhay, malapit sa kanyang kubo.

Ayon sa pulisya, may tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.

Dagdag pa ng PNP, hindi nakita ang ginamit sa pagpatay at hindi pa rin alam ang motibo ng krimen.

Dinala naman umano sa kanilang tahanan ang mga labi ng biktima sa Brgy. Pulot Center. Isinagawa rin umano ang post mortem examination, alinsunod sa kautusan ng Espanola MPS sa Sofronio Española Municipal Health Office.

Habang isinusulat naman ang balitang ito ay nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol sa posibleng motibo ng krimen at sa pagkakakilanlan ng suspek.

Exit mobile version