Umaaray pa rin ang ilang fruit vendor sa Lungsod ng Puerto Princesa dahil magdi-Disyembre na ay matumal pa rin ang bentahan ng prutas.
Ayon kay Nicanor “Nick” de Guzman, residente ng Brgy. Tiniguiban at may-ari ng “Gwen-Lawvan Kurt Fruitsand”, hindi pa sila nakababawi sa ilang buwang kalugian sa kanilang puhunan dahil hindi pa rin bumabalik ang magandang bentahan ng tinitinda nilang mga prutas.
Sa mahigit isang dekadang pagtitinda niya ng mga prutas sa Bagong Pamilihang-bayan sa Brgy. San Jose, ngayong pandemya ay labis aniya silang naapektuhan, lalong-lalo na noong unang mga buwan ng lockdown sa kalakhang Luzon.
“From the very beginning na nagsimula na po ang pandemic hanggang ngayon, talagang matumal [po ang bentahan],” ani de Guzman.
Sa unang bugso ng pandemic, nagsimula umanong naging matumal ang bentahan ng mga prutas noong wala nang byahe ang mga van at bus dahil halos wala na ring tao sa palengke.
Bahagya naman umano silang nakabawi noong bumalik na ang byahe sa mga munisipyo. Sa kabila nito, hindi pa rin bumabalik sa normal ang lahat. Dati-rati umano, kaya nilang kumita ng P10,000 kada araw ngunit ngayon ay halos nasa P3,000 na lamang.
“Bale, sa native na lang po kami bumabawi—kung saan ‘yong malakas ang binibenta, doon po kami nagpupursige,” aniya.
“Sa sobrang hirap na rin ng tao siguro, wala nang pera, mas inuuna nila ang pagbili ng pagkain at bigas [ngayon]. Lugi po [kami], lalo kung nabubulukan kami—malaki ang pagkalugi [sa aming parte],” dagdag pa ni de Guzman.
Inaangkat naman aniya nila ang kanilang mga paninda sa kanilang mga supplier sa lungsod. Ang mga prutas ay buhat sa US, Tsina, sa ibang probinsiya ng bansa, at maging mula sa Palawan. Ang ilan umano na nagmumula sa lalawigan ay mangga, papaya, pinya, at pakwan habang ang mga galling sa lalawigan ng Pilipinas ay lansones, mangosteen, rambutan, pinya at papaya.
Ani de Guzman, maganda ang mga prutas ng Palawan ngunit may kataasan lamang ang presyo.
“Ang prutas ng Palawan, mahal. Nandito na nga sa atin, ang mga ito pa ang mahal…kasi ang kanilang rason, ang pamasahe, mahal,” saad nito.
Binanggit din niyang kung ikukumpara ang mangga ng Palawan mula sa ibang probinsya ay di hamak na mas masarap umano rito dangan nga lamang ay apektado ng Mango Pulp Weevil kaya hindi naibebenta sa labas ng lalawigan. Kapag ibenta naman ito sa mga tindahan sa timog ng Palawan at sa lungsod ay idinadaan ito sa x-ray ng City at Provincial Agriculture upang matiyak na walang peste sa loob ng prutas.
Aminado mang nahihirapan sa sitwasyon, isinaad naman ni de Guzman na, “Tuloy-tuloy lang ang buhay.”
Sa ngayon ay umaasa na lamang si de Guzman na patuloy na ang pagbabalik sa normal ng lahat, kabilang na ang sigla ng bentahan ng prutas.
“Sana, pagdating ng December, malakas [na ang bilihan]…para mabawi naman namin ang aming kalugian noong nakaraang mga buwan,” aniya.