Kumbinsido si Narra Mayor Gerandy Danao na politika ang dahilan ng kasong administratibong isinasampa sa kanya ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan kaugnay sa pag-isyu niya ng special permit sa bagong sabungan sa nasabing bayan.
Sa press conference ngayong araw na dinaluhan ng mga miyembro ng media sa lalawigan, iginiit ng alkalde na ang kasong inihain sa kanya ng mga lokal na mambababatas ay hindi makakaapekto sa kanyang administrasyon bagkus ito ay magsisilbing mitsa ng mas higit niyang paglaban para sa kanyang nasasakupan at sa bayan.
“Ang panggigipit na ito ng Sanggunian ay tatanggapin ko ito ng buong tapang at hindi ko isusuko ang pagmamahal ko sa bayan ng Narra. Si Astronaut Danao po ay hindi ninyo matitinag,” ani ni Danao.
Samantala, sa gitna naman ng question hour sa naturang press conference, inamin naman ni Danao na siya ay nag-issue ng permit sa sabungang pagmamay-ari ni Alander Santos sa Barangay Antipuluan bagaman ito ay lingid sa kaalaman ng Sangguniang Bayan.
Kumbinsido rin ang alkalde na siya ay walang nilabag na batas sa pagbigay niya ng special permit sa sabungan na pagmamay-ari ni Alander Santos na siya namang kapatid ng kanyang former Municipal Administrator na si Dionyseus Santos.
“Sa palagay ko wala. Kasi kung sina Inan (BM Zaballa) nagpapasabong special permit din ‘yan kaya ang binigay ko sakanila special permit din,” ani ni Danao.
Sa dokumento na nakalap ng Palawan Daily, makikitang si Danao ay hinainan ng Sangguniang Bayan ng mga kasong administratibo gaya ng “Grave Misconduct” sa paglabag nito sa Section III ng Republic Act 3019 o ang Anti-Graft Law and Corrupt Practices, 3 counts ng Gross Negligence, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service.
Ayon pa rin sa dokumento, ang mga nabanggit ay kaugnay din sa Section 4 ng Presidential Decree 1802; “City and Municipal Mayors with the concurrence of their respective Sangguniang Panglunsod or Sangguniang Bayan, shall have the authority to license and regulate regular cockfighting, under the supervision of the City Mayor and the Provincial Governor, as the case may be.”
Samantala, ayon pa rin kay Danao, bagaman sila ay wala pang kopya ng nasabing kasong isinasampa, sila ay nakahanda na umano sa mga posibleng mangyari kapag naibaba ito sakanyang opisina.
Dismayado rin ang alkalde sa nangyayaring “gap” sa pagitan ng kanyang opisina at sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra.
Giit ni Danao, imbis umano na magsipag-lingkod ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa mga nasasakupan sa gitna ng pandemya, kanila pa umanong piniling unahin ang pamumulitika.
“Sa kabila ng kaabalahan natin na asikasuhin ang mga mamamayan ng Narra na nangangailangan ng tulong dahil sa dinaranas nating pandemic, ang mga magigiting na miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra ay parang mga uwak na uhaw na uhaw sa kapangyarihan at inaantay akong matuka,” ani ni Danao.
Nabanggit din ng lokal na alkalde sa kanyang speech sa press conference na mula noong nagsimula ang pandemya, bumuhos umano ang donasyon at tulong sa kanyang opisina para sa mga mamamayan na kanila namang ipinamahagi sa nasasakupan at mga residenteng nangangailangan.
Sinabi rin ni Danao na siya ay may sariling pondong nagkakahalaga ng 20 milyon na ngayon ay naubos na sa kadahilanang nagamit ito sa tulong para sa paglaban sa pandemya ng naturang munisipyo.
Samantala, nang tanungin naman ng Palawan Daily si Danao kaugnay sa aksiyon na ihahain ng kanyang kampo laban sa kasong isinasampa, sinagot ng alkalde na sa ngayon ay pag-uusapan pa nila kasama ng kanyang legal counsel ang mga magiging hakbang nito sa nasabing issue.
“May abogado akong dapat sumagot. Ngayon kung ako ay tinatakot nila na matanggal sa puwesto ko, hindi ako natatakot. Mahirap na tao lang ako. Sanay ako sa hirap,” ani ni Danao.
Sa issue naman ng pag-appoint ng Municipal Administrator, matatandaang ilang beses na hindi sinang-ayunan ng mga lokal na mambabatas ang pag-appoint ni Danao kay Santos sa posisyong ito.
Samantala, sa nasabing press conference na dinaluhan din ni Santos kanina, sinabi nito na sa kanyang maikling panahon ng pag-iimbestiga sa pamahalaan, nadiskubre nito ang iba’t-ibang klase ng corruption sa bayan na kinasasangkutan ng mga kilalang opisyal na siya ring miyembro ng lokal na sanggunian.
“Naeexpose natin ang dapat maexpose. Nalulula nga ako sa dami ng kalokohan na iniimbestigahan ko. Kaya sabi ko kay Mayor, nalilibing ako sa dami ng kabahuan dito sa Narra, hindi ko na kayang tiisin. Kaya ‘yun ang dahilan. Sino ang magagalit? Edi ‘yung mga masasamang tao,” ani ni Santos.
“Fishport sa Bato-Bato pinagawa ni Kap Ferrer, pinatigil ni Mayor. Sino nagtangkang magpasok ng facemask sa MDRRMO kasabay ng pamimili ipapasok niya? Si Vice Mayor Lumba. Sino ang contractor ng SB building na ‘yan? PTK,” dagdag ni Santos.
Sa kasalukuyan, nag-aantay pa rin ng kopya ng kaso ang kampo ni Danao na manggagaling sa Sangguniang Panlalawigan.
Sa kampo naman ng SB, sa panayam ng Palawan Daily ngayong araw, May 27, sinabi ni Narra Vice Mayor Crispin Lumba na sila ay maglulunsad din ng isang press conference sa takdang panahon upang sagutin ang mga katanungan hinggil sa kontroberisyal na kaso na kanilang isinasampa sa alkalde.
Samantala, para rin sa kaalaman ng lahat, nais ring linawin ng Palawan Daily News na taliwas sa nabanggit na tanong sa live video ng press conference, walang kinalaman si Atty. Jethro M. Palayon at ang Provincial Legal Office sa anomang kahihinatnan at magiging desisyon sa nasabing kaso, gayundin si Palawan Governor Jose Chavez Alvarez.