Mayor Danao, nakatanggap ng mainit na suporta sa ika-limampu’t isang kaarawan nito

Inulan ng suporta mula sa mamamayan ng Narra si Mayor Gerandy Danao ngayong araw ng kaarawan nito.

Ayon kay Jojo Gastanes, tagapagsalita ni Danao, sa panayam nito sa programang Chris ng Bayan ng Palawan Daily kanina, personal na pumunta sa opisina ang mga supporters ni Danao mula sa iba’t-ibang barangay sa munisipyo upang masilayan at batiin ito sa kanyang kaarawan.

“Marami mga bumabati lang naman. Kalat-kalat kasi mayroong mga taga-ibang lugar. May Sandoval, Bato-Bato, Calategas, Aramaywan. Hindi ko rin mabilang kasi nga kalat-kalat, bawal naman mag-ipon, ” ani Gastanes.

Ayon din kay Gastanes ay wala umanong magarbong handaan na magaganap ngayon sa pagdiriwang ng kaarawan ng ama ng bayan ngunit mayroong libreng lugaw na ibinibigay sa mga bumibisita at bumabati kay sa alkalde.

Nang tanungin ng Palawan Daily kung ano ang mga paghahandang ginagawa ng kampo ni Danao kaugnay sa resulta ng mga kaso laban dito, sinabi ni Gastanes na tuloy ang serbisyo ng alkalde habang naghihintay ng desisyon ng Sanguniang Panlalawigan ukol sa inihaing preventive suspension sa kanya.

“Tuloy pa rin ang opisina, si Mayor andito ngayon nagpipirma ng mga payrolls, kontrata, ganoon pa din naman, ” ani Gastanes.

“Discretion nila ‘yun, eh. Huwag natin pangunahan. Kung ano ang maging desisyon ng taas, rerespetuhin naman ni Mayor’ yan,” dagdag nito.

Ayon kay Gastanes ay handa umanong lisanin pansamantala ng alkalde ang kanyang puwesto kung sakaling babaan ito ng preventive suspension anumang araw ngayong linggo. Dagdag pa niya, umaasa ang kanilang kampo na mananaig ang batas sa anumang desisyon na kahahantungan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Exit mobile version