Medical certificates para sa locallly stranded individuals, maingat na binibigay

Hindi basta-basta ang pagbibigay ng medical certificate sa locally stranded passengers bago makauwi sa kanilang mga munisipyo matapos abutan ng lockdown sa lungsod sanhi ng ipinatupad na community quarantine dulot ng COVID-19.

Ayon kay Dr. Mary Ann Navarro, ang Provincial Health Officer ng Palawan, lahat ng LSI na kumukuha ng medical certificate ay talagang dumadaan sa check-up upang matiyak ang kanilang kondisyong pangkalusugan bago pahintulutang makabiyahe.

Paliwanag ni Navarro, ayaw naman nilang masisi sa huli kung sakaling may mangyaring hindi maganda sa isang locally stranded individual habang ito ay nasa biyahe dahil sa health conditions nito.

“Ang medical clearance namin ay hindi lang ‘yan simpleng papel na pipirmahan ng doktor kundi ini-eksamin po ‘yan sila ng doktor namin. Tinitingnan na okay sila at nire-resitahan pa nga kasi paano kung may mangyari sa kanila sa kanilang pag-uwi. Hindi nga sila suspect o probable [COVID-19 casae] pero ma-stroke naman sila sa kanilang biyahe,” ani Dr. Navarro sa panayam ng Palawan Daily.

Ito anya ay ginagawa upang matiyak na ligtas ang bibiyahe at talagang walang sakit pag-uwi sa kanilang mga munisipyo.

“Before tayo magpauwi ay dapat matiyak natin na talagang wala silang dalang sakit doon sa munisipyo nila kaya sana po ay maintindihan nila.

Nilinaw naman ni Dr. Navarro na ang may mga priority numbers ay ang mga hindi natapos kahapon, May 19, kaya sila ang inuna pero ang inakala anya ng ibang naroroon ay may palakasan na nangyayari sa PHO.

“Nagmagandang-loob kami na tulungan sila [LSI] pero bigla namang dumami at dumagsa sa opisina naming para kumuha ng health clearance. Nasa 60 nga lang dapat ang kaya naming pero naawa ang doktor namin kaya umabot sa 125 ang nabigyan. ‘Yung sa priority numbers, ‘yun ‘yung hindi natapos kahapon at akala ng iba ay may pabor kaya sumunod sila at hindi nila naintindihan,” paliwanag ni Navarro.

Inihiyag din ng health official sa Palawan na tatlong araw lang ang validity ng health certificate na ibinibigay nila kaya kung hindi pa naman pauwi ng munisipyo ang kukuha nito ay ipagpaliban na muna.

“Nire-remind po namin sila na ang mga municipal health officers, tatanggapin lang po ang mga medical clearance na ‘yun hanggang tatlong araw dahil paso nap o ‘yun in three days kasi kung saan-saan na po kayo makakapunta nun at kung anong sakit na ang makuha ninyo at madala pa sa mga munisipyo,” apela ng opisyal.

Samantala, idinagdag pa ng opisyal na walang bayad o libre ang pagkuha ng medical certificate upang kahit paano ay mapagaan ang gastusin ng locally stranded passengers.

Hiling din nito na sana ay makipagtulungan ang lahat at panatilihin ang social distancing sa lahat ng oras.

Exit mobile version