Mga bakang nagkakalat sa highway ng Narra tuwing gabi, ikinabahala ng mga motorista

Kamakailan ay nanawagan sa mga kinauukulan ang isang netizen sa social media na si Jim Nelmida na maaksiyunan ang mga baka na nagkakalat tuwing gabi sa gitna ng highway sa Barangay Antipuluan, Bayan ng Narra, Palawan.

Ayon kay Nelmida, muntik umano siyang maaksidente sa kahabaan ng nasabing highway, gayundin ang mga kasabayan nitong nagmo-motor, dahil sa pabigla-biglang pagsulpot ng mga galang baka sa gitna ng kalsada.

“Nakakagulat na bigla nalang nasa harapan mo, hindi mo mapansin kahit may ilaw. Gabi-gabi po ‘yan diyan malapit sa INC highway,” ani Nelmida sa kanyang public post.

Pagsang-ayon naman ang naging reaksyon ng mga lokal na netizens ng Narra sa ginawang panawagan ni Nelmida. Ang iba ay nagpahayag rin ng kanilang personal na karanasan kaugnay sa mga bakang kumakalat sa nasabing highway tuwing gabi.

Ayon kay April Baalan na isa ring taga Narra ay matagal nang problema ito sa nabanggit na lugar sapagkat sila mismo ay nadisgrasya na dahil sa mga bakang bigla na lamang sumusulpot sa kalsada.

“Ang tagal-tagal na nang problemang ito hanggang ngayon hindi padin nagagawan nang solusyonan. Na-disgrasya na kami way back 2019 niyan, buti nalang at buhay pa kami. Pero yung motor namin wasak-wasak,” ani Baalan sa kanyang Facebook post.

Sinabi rin ni Balaan na ni-report nila sa tanggapan ng barangay ang aksidente ngunit ayon sa mga kanilang nakausap ay hindi rin daw nila alam ng mga kung kaninong mga baka ang nakagawian nang mamasyal sa gitna ng highway.

“Ang sinabi lang sa barangay, dapat daw hinuli namin ang baka para mapanagot ‘yung may ari. Hindi raw kasi alam ng mga officials sa barangay kung kaninong mga baka yung gabi-gabing nagkakalat diyan sa Antipuluan,” ani Baalan.

Ayon naman sa panayam ng Palawan Daily kay PMAJ Romerico Remo, hepe ng Narra Municipal Police Station (NMPS), ito ay kanila nang napag-usapan sa mga nakalipas na pagpupulong kasama ang mga kawani ng lokal na pamahalaan.

“Actually, matagal nang problema ‘yan. So napag-usapan namin sa nakaraang NTO meeting na kausapin ang mga may-ari ng mga baka na ‘yan para masiguro na hindi pagala-gala ang mga alaga nila tuwing gabi kasi delikado nga,” ani Remo.

Itinuturing nang accident-prone area ng mga residente ng Narra ang nasabing lugar. Kamakailan lamang ay sa mismong lugar rin nadisgrasya ang anak ng kilalang negosyante sa Narra. Ayon rin kay Remo, naaksidente rin ang isa niyang personnel sa nasabing lugar.

Dagdag ni Remo, nag-anunsiyo sila sa kanilang Facebook page kamakailan ukol sa isang baka na kanilang hinuli dahil naging rason ito ng isang aksidente ng isang motorista sa lugar.

“Nag-anunisyo kami sa page namin kung sino ang nawawalan ng baka na sana i-claim nila kasi para sana makatulong man lang sila sa pagbayad sa hospital bills noong taong naaksidente,” ani Remo.

Exit mobile version