Pinapaigting ng Inter-Agency Task Force ang pagbabantay sa border ng South Palawan para hindi makapasok ang bagong variant ng COVID-19 sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Head at Inter-Agency Task Force Operation Manager Jerry Alili, mas maigi ang pagbabantay ngayon dahil kaagapay nila ang mga barangay. Naiintindihan daw kasi ng mga barangay na sila ang unang maaapektuhan kapag nakapasok at kumalat ang bagong variant ng CDOVID-19.
“Ngayon [ay] maganda yung pakikipagtulungan nung ating mga barangay [at] mas na-empower natin yung sa pagmo-monitor nung mga barangay dahil sila naman yung unang maaapektuhan kapag tinamaan sila.”
Noong December 28, 2020 ay inanunsyo ng PDRRMO ang paghihigpit na gagawin sa South Palawan matapos kumalat ang balita na kumakalat sa kalapit bansa ang bagong variant ng COVID-19. Nakiusap din si Alili sa mga barangay sa sur na i-report agad sa awtoridad ang sinumang darating mula sa ibang lugar.
“Kami po ay nakikiusap sa ating mga kababayan lalo na dito sa Southern Palawan na kapag may bagong dating po at alam natin na sila ay nanggaling sa ibang lugar o sa ibang probinsya o sa ibang isla ng ating karatig bansa dito sa may bandang Malaysia. Agad po nating ipagbigay alam sa ating mga awtoridad, sa punong barangay at sa ating munisipyo para po sa proper na management ng bagong dating na mga kababayan natin.”
Sa kasalukuyan ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga barangay sa mga awtoridad tulad ng IATF, PNP at Coast Guard para mapaigting ang pagbabantay.