Ipinaliwanag ng Department of Education na wala dapat sinisingil ang mga pampublikong paaralan sa mga magulang o mga bata lalo na sa mga bayarin sa eskwelahan. Dahil may pondo umano sila para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na kung saan 65% nito ay nakalaan para sa mga modules na ibinibigay sa mag-aaral.
“Ipinagbabawal po naming kumolekta sa mga bata or sa mga parents ng mga fees sa mga modules meron naman tayong tinatawag na MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses). Sa DepEd-Palawan po kasi we have 65% of MOOE will be allocated to printing of modules and other provision po ng ating learning materials,” pahayag ni Dr. Arnie Ventura, Officer-In-Charge Schools Division Superintendent (OIC-SDS) ng Department of Education Palawan.
Nilinaw din ni Dr. Ventura, na ang 35% sa MOOE ay nakalaan para sa mga regular o buwanang bayarin ng paaralan.
“Aside of 65% ay may dina-download ang division office na mga pondo galing po sa regional [and] central office ng DepEd, assistance po para sa ating mga paaralan. When it comes yung sa mga fixed expenditures tulad ng mga electricity , tubig at iba pang pangangailangan ay yung remaining 35% doon naman po icha-charge yung mga fixed expenditure ng paaralan like electricity.”
“Mayroon po tayong mga job order na employee tulad ng security guard, actually naka-charge parin po sya sa 35%.”
Ipinaalala ng OIC-Schools Division Superintendent na kung sakali may napagkasunduan na babayaran sa paaralan ang Parent–Teacher Association (PTA). Dapat umano ay kusang loob na ibigay ng magulang at hindi sapilitan.
“Depende po yan sa mga parents, pero hindi po dapat nakikialam ang pamunuan ng paaralan. It should be initiative or initiated ng ating mga PTA officers with agreement, kasunduan na alam po ng lahat and it should be voluntary.”
Ayon naman kay Jane, isang ina at may dalawang anak na pinapaaral, hindi umano maganda ang sitwasyon ngayon ng pag-aaral ng mga bata at sana wala na ngang sisingil kasi hindi naman face-to-face ang pag-aaral ng mga bata.
“Wala nang PTA-PTA. Kalokohan! Buti sana kung sa school nag-aaral. Wala dapat bayaran total hindi naman nag face-to-face yung mga estudyante at yung bayarin sa guwardya dapat sila na ang magbayad.”