Mga mag-aaral, nakilahok sa Junior Rescue Mini Olympics

Photo from Municipal Information Office - LGU Brooke's Point

Ipinagdiwang ang ikalawang Municipal Junior Rescue Mini Olympics na may temang “BIDAng Pilipino” noong Setyembre 9, sa Brooke’s Point Municipal Hall para sa pagbuo ng mas matibay na kalagayan ng Pilipino tungo sa pagiging handa sa mga kalamidad sa pangunguna ng MDRRMO Danilo T. Esmerio at OIC/LDRRMO Joey S. Heredero, at sa pamumuno ni Mayor Cesareo R. Benedito Jr.
Nagtagumpay ang mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan kabilang ang Ipilan National High School, Mary Edwards Venturanza National High School, Maasin National High School, Gov. Alfredo Abueg Sr. National Technology and Vocational Memorial High School, Samariñana National High School, Vito Pechangco Memorial National High School, Brooke’s Point National High School, Sacred Heart of Jesus High School of Palawan, Inc. at Inil U. Taha National High School sa kanilang mga kasanayan sa pagliligtas ng buhay sa mga aksidente.
Sa pamamagitan ng mga gawain tulad ng pagtali gamit ang triangular bandage, cardiopulmonary resuscitation (CPR), splinting, at pag-aakay ng pasyente gamit ang spine board at iba pang rescue operations, ipinakita ng mga kabataan ang kanilang kahusayan at kahandaan sa pagsagip sa mga sitwasyon ng kalamidad.
Layunin ng mga aktibidad na ito ang mapalakas ang kaalaman ng mga kabataan sa Disaster Risk Reduction (DRR) at Climate Change Adaptation (CCA) Concepts upang mapanatag ang Brooke’s Point laban sa anumang mga panganib.
Sa mata ng mga hurado na kinabibilangan nina Bb. Marjorie Josephine Benedito ng RHU, FINS Rico Pagmanoja ng BP-BFP, G. Jotham Sandoy ng MDRRMO ng Sofronio Española, CPL ARSENIO HERNANDEZ, PN(M) ng 27th Marine Company PN(M), at G. Moraco Reyes ng MDRRMO-Bataraza, naging mahusay ang pagganap ng bawat kalahok sa vehicular accident scenario.
Kinilala ang Brooke’s Point National High School bilang kampeon, Inil U. Taha National High School bilang unang pwesto, at Sacred Heart of Jesus High School of Palawan, Inc. bilang pangalawang pwesto. Samantalang nagbigay ng consolation prizes sa iba pang paaralan.
Lubos na ikinatuwa ni Mayor Benedito ang dedikasyon ng mga kabataan sa pagsasagawa ng mga rescue operations para sa kaligtasan ng kanilang komunidad.
Exit mobile version