Mga munisipyong sakop ng Calamian, nag-adopt ng magkaparehas na mga alituntunin ukol sa GCQ

Naglabas at in-adopt ng mga bayan ng Busuanga, Coron, Linapacan at Culion ang joint guidelines kaugnay sa umiiral ng general community quarantine (GCQ) sa buong lalawigan na naging epektibo simula kahapon, Mayo 6.

Sa post ng Busuanga Public Information sa kanilang Facebook page, ipinabatid nila ang mga ipinatutupad ng mga alituntunin para sa apat na munisipyo sa Calamian na gaya ng naunang anunsiyo ng Pamahalaang Nasyunal ay maaari nang mag-report ang mga nagtatrabaho sa ibang munisipyo. Ang kailangan lamang umano ay magdala sila ng Proof of Employment mula sa kani-kanilang employer.

Asahan na rin umano ang mahigpit na pagbabantay sa mga boarders at coastal areas ng nabanggit na mga bayan upang walang makalulusot na carrier ng Coronavirus disease 2019.

Tungkol naman sa mga sasakyan, pinapayagan na ang motorsiklo na makapasok sa Coron, ang munisipyong karugtong ng Busuanga, ngunit mahigpit ang tagubilin ng LGU na dapat ay naka-helmet at walang angkas. Pinapayuhan din silang kumuha ng travel pass mula sa lokal na pamahalaan habang ang mga malalayong barangay ay pinayuhang makipag-ugnayan lamang sa kanilang barangay secretary upang tumawag sa Emergency Operation Center na mag-isyu ng control number.

Pinapahintulutan na ring bumiyahe ang lahat ng passenger bus, jeepney at van ngunit dapat ay 50 porsiyento lamang ang sakay gaya na rin ng kautusang ibinaba central government at DOTr sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.

Lahat din umano ng pupunta sa ibang munisipyo ay yaong may mga importanteng pakay lamang na pinahihintulutan ng Inter-Agency Task Force (AITF) ngunit sila ay balikan din lamang.

Ukol naman sa sa paghahanap-buhay, pinahihintulutan ang pagdadala ng mga kalakal sa mga munisipyo ngunit kailangang may travel pass at bawal maglako sa bahay-bahay at bawal din ang mag-barter sa pangulong o anumang sasakyang-pandagat na galing sa ibang lugar.

Ipinagbabawal pa rin ang anumang chartered flights mula sa ibang lugar, gayundin ang pag-uwi mula sa ibang lugar at hintayin na lamang umano ang anunsiyo ng Pamahalaang Nasyunal. Sa kaso naman ng Probinsiya ng Palawan, sa kasalukuyan ay may mga numerong inilabas ang Pamahalaang Panlalawigan na pwedeng kontakin ng mga na-stranded na mga mamamayan sa iba’t ibang dako ng bansa, sa mga munisipyo at maging sa Lungsod ng Puerto Princesa upang mabatid ang kanilang bilang habang isinasaayos ang tamang aksyon para sa kanilang kalagayan.

Matatandaang isinailalim sa GCQ ang mga low risk areas pagdating sa kaso ng Covid-19 simula noong unang araw ng buwan ng Mayo, alinsunod na rin sa rekomendasyon ng mga eksperto at ng IATF-EID.

Exit mobile version