Mga residente ng Barangay Calategas, pagbabawalan nang mag-alaga ng baboy

Photo by Hanna Camella Talabucon

Pagbabawalan nang mag-alaga ng mga baboy sa kani-kanilang tirahan ang ilan sa mga residente ng Barangay Calategas matapos napatunayang lumabag ang mga ito sa health and sanitary inspection na ginawa Biyernes, Oktobre 11, ng lokal na Rural Health Unit (RHU) ng Narra, Palawan.

Ang health and sanitary inspection ay nagmula sa reklamong natanggap ni Narra Mayor Gerandy Danao noong Huwebes, matapos magtungo sakanyang opisina ang mga naulilang anak ng yumaong si Elsa Rubio, 57 anyos.

Matatandaang si Rubio ay namatay noong Setyembre 23 sa sakit na pulmonya at dengue, ayon sa diagnosis ng mga doktor. Ayon naman sa mga anak ni Rubio na si Eljun at Elmar, ang mga sakit na ito ay pinaniniwalaan nilang nagmula sa kasula-sulasok na amoy at maruming pamamaraan ng pag-aalaga ng baboy ng kanilang mga kapitbahay sa Barangay Calategas.

Dahil dito, nagtungo ang magkakapatid sa lokal na RHU ng Narra, Sangguniang Bayan, at kay Mayor Danao upang magbigay ng pormal na reklamo at isangguni ang naturang suliranin kahapon, Oktobre 11.

Agad namang tinugunan ito ng nabanggit na alkalde kasunod ng pag-issue nito ng mission order upang inspeksiyon ng mga nabanggit na ahensiya ang naturang barangay.

Matapos ibigay ang mission order nitong Biyernes, agad namang nagtungo ang mga health inspector ng RHU, ilang mangagawa sa lokal na Municipal Assessors Office, at mga awtoridad ng Narra Municipal Police Station upang ikasa ang mission order ng alkalde.

Sa health and sanitary inspection, nakitaan ng paglabag sa Sanitation Code ang ilang mga residente. Sa kalagitnaan ng pag-iikot ng mga health inspector, kanilang nakita na marami sa mga ito ang nag-aalaga ng dalawa hanggang pitong mga baboy sa kanilang mga bakuran, gayundin ang kawalan ng septic tank ng mga kulungan ng mga ito.

Ipinaliwanag ng kasalukuyang OIC Municipal Health Officer Edith Longno ang mga nakita nilang paglabag gayundin ang kanyang naging kondisyon sa mga residente.

“Pagbibyan nalang ‘yung iba, nakiusap na maliliit pa ‘yung mga baboy nila kaya hindi pa agad mai-dispose pero pag puwede na hanggang doon na lang. Hindi na sila puwedeng mag-alaga. Kasi ito ay residential area,” aniya ni Longno.

Kasabay ng health and sanitary inspection, tinugunan din ni Mayor Danao ang isa pang hinaing ng pamilya Rubio.

Bukod sa mga babuyan sa barangay, nabanggit din ng mga ito sa kanilang reklamo na nais nilang makapagpa-survey ng kanilang lupain subalit sa pagtututol ni Barangay Captain Julie Borlaos kasama ng kanyang mga opisyales at mga tanod, ito ay nahinto kamakailan.

amantala, matagumpay naman na nakapagpa-survey ng kanilang lupain ang nabanggit na pamilya sa bisa ng mission order na inissue ng alkalde at sa tulong narin at pamamagitan ng mga pulis at staff ng lokal na assessors office.

“Nakahinga na ako ng maluwang. Malaking tulong na andito sila para mamagitan sa amin,” ani ni Eljun.

Sa ngayon ay inaasahang magiging matiwasay at matahimik na ang kalagayan at mga residente ng nasabing barangay. Inaasahan din ang tuloy-tuloy na monitoring at patnubay ng lokal na RHU.

Exit mobile version