Tiniyak ng Municipal Health Office (MHO) ng Munisipyo ng Roxas na naisagawa na ng mga health personnel ang mga kinakailangang hakbang bilang bahagi ng precautionary measures sa buong mag-anak at sa mag-asawang galing Taytay na napabalitang dumaong sa Purok Green Island kamakailan.
“Na-check na sila ng midwife at BHW [at] wala namang nakitang [COVID-19] symptomps [sa kanila]. Continuous [din] ang monitoring and surveillance sa kanila. Nine sila na naka-endorse na [rin] sa barangay at purok,” ayon kay Dr. Leo Salvino, municipal health officer ng nasabing bayan, sa pamamagitan ng text message.
Ayon pa sa pinuno ng MHO-Roxas, sa pagdating pa lamang umano ng nasabing mga indibidwal sa naturang isla noong ika-22 ng Abril ay agad na nilang iniatas ang pag-quarantine sa kanila, kasama ang buong miyembro ng kanilang sambahayan, sa bagong gawang Barangay Health Station na naroroon din sa nasabing isla.
PAGSAILALIM SA QUARANTINE NG ILANG INDIBIDWAL
“Doon [sila] sa isla naka-quarantine sa isang isolated health facility for 14 days. Babantayan [sila] ng mga barangay official at [mga] tanod [doon]. Ipo-provide din ng LGU [ang kanilang] foods and other essentials,” aniya.
Ani MHO Salvino, sumubok din umano silang maghanap ng ibang isolation area o lugar na malayo sa mga tao o isang hiwalay na isla ngunit nahirapan umano sila kaya nagdesisyon silang doon na lamang ilagak ang magpapamilya dahil may nagbabantay namang mga opsiyales ng barangay at purok sa kanila at wala rin umanong halos mga kabahayan sa parting iyon.
“At tsaka ‘yung isolation [area] naman [nila], binabantayan nang husto. Nagbigay tayo ng directions na dapat talaga, wala silang rason na umalis sa bahay o umalis sa Green Island,” ayon pa sa doktor.
“Actually, hindi pa nga nagagamit ‘yun kasi hindi pa natu-turn over, pero doon na lang natin sila inilagay kasi madalang ang bahay doon at sa bago rin ang facility. Isinama na namin ang household member nila, dapat ‘yung mag-asawa lang, pero nakasalamuha na kasi nila ‘yung household kaya isinama na naming [bilang bahagi ng protocol],” dagdag naman ni Dr. Salvino sa hiwalay na phone interview.
Tiniyak din ng Municipal Health Officer na may magsasalitang mga barangay tanod, mga opisyales ng barangay at BHW sa pagbabantay at pag-asikaso sa mga minomonitor na indibidwal upang matiyak na hindi sila makalalabas o makalalayo sa pinaglagakan sa kanilang pasilidad na aniya’y may sapat namang kalakihan, may palikuran, at ilang silid na delivery rooms na pwede nilang gamitin.
“Hahatiran na lang sila ng food. Hindi ko lang alam ang [naging] arrangement kung sino ang magluluto,” aniya.
Ayon pa kay Dr. Salvino, muling bisitahin ng mga health workers ang nasabing mag-anak kung hindi ngayong araw o sa araw ng Sabado.
Nakatakda rin umanong magpadala ang MHO ng facemask sa kanila at kasunod naman ay mga bitamina.
‘NAPAKABABA NG EXPOSURE SA COVID-19 CASE’
Nakipag-ugnayan na rin umano si MHO Salvino sa kanyang counterpart sa Bayan ng Taytay at sa kabutihang-palad ay wala naman umanong naitalang anumang COVID-19 cases sa kanilang munisipyo na sinusugan din ng datus mula sa Philippine Integrated Disease Surveillance and Response (PIDSR)-Palawan.
“Tapos ‘yung pagdaan niya sa Paly, kumain lang daw siya. So, napakababa ng exposure [sa COVID-19 case] and then, tumawag [ako] at nakausap ko [na rin] ‘yung Municipal Health Officer din ng Taytay, at [sinabi niyang] at this time, wala naman silang [kahit] ‘suspect cases’ doon,” ani Dr. Salvino.
Ukol naman sa paglabag ng mag-asawa sa umiiral na pagbabawal ng inter-municipal travel sa buong lalawigan ng Palawan, ani Dr. Salvino, ang pulisya ang makapagsasabi kung sila ay kakasuhan bagamat malinaw naman umanong may nilabag sila, kabilang na ang quarantine protocol.
Aniya, kung bibiyahe man palabras ng ibang munisipyo ay dapat na makakuha muna ng health certificate na magpapatunay na ang humihiling nito ay hindi “suspect patient” at “probable” o ang dating PUI at hindi rin sumasailalim sa monitoring. Ngunit nilinaw din niyang, dapat ang layunin ng travel ay kasama sa mga exemption sa travel ban “dahil kung hindi ay violation talaga.”
PANAWAGAN NG MHO
Nang tanungin naman kung may kautusan bang ibinaba ang kanilang tanggapan sa kung kailangan na bang may magbantay tuwing gabi sa nasabing isla, binanggit ni Dr. Salvino na kanya nang kinausap ang Philippine Coast Guard-Roxas ngunit aminado umano silang limitado sila ngayon sa personnel at napakalawak pa ng Probinsiya ng Palawan. Nang dahil dito ay nakiusap na lamang umano siya sa mga barangay officials, purok officials, at Bantay-Dagat na magtulungan na lamang na mabantayan ang kanilang nasasakupan.
Ipinaaalala ng MHO na mahalaga ang suporta ngayon ng pamunuan ng barangay at Bantay-Dagat upang mapanatiling COVID-19 free ang Brgy. Tumarbong, partikular na ang Green Island, sapagkat kung ito aniya ay mapababayaan at malulusutan ng sinumang carrier ng nakahahawang sakit ay sila rin ang mahihirapan.