Dead on the spot ang isang motorista matapos na makabanggaan ang isang pampasaherong van na “WONDER” sa South National Highway ng Barangay Kamuning sa lungsod ng Puerto Princesa ngayong araw ng Lunes, Hunyo 3, pasado ala-una ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Daniel Hugo at residente ng Brgy. Sicsican, sa nabanggit na lungsod. Natukoy naman ang drayber ng van na si Michael Passion, 45, at residente ng Brgy. Malinao sa bayan ng Narra, Palawan.
Sa ulat ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), lulan ang biktima ng kaniyang motorsiklo at binabagtas ang kahabaan ng South National Highway ng Brgy. Kamuning habang ang van naman ay nagmula sa sur at patungong lungsod.
Sa imbestigasyon, nakasunod umano si Hugo sa likod ng isang gray na SUV nang biglang nagpreno ang sasakyan at dito naman tinangkang mag-overtake ng biktima dahilan upang salubongin nito ang pampasaherong van.
Hindi na nakaiwas pa ang biktima at sumalpok sa harapang bahagi ng van na agad nitong ikinasawi. Natangay pa umano ng humigit 15 metro ang motorsiklo dahil sa matinding pagkakabangga.
Samantala, patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa aksidente.