Naghamon ng away, binaril sa El Nido

Isang barilan ang naganap sa Sitio Alekik, Brgy. Teneguiban, El Nido, Palawan noong Nobyembre 9, 2020, dakong 2:20 ng umaga nang barilin ng suspek ang biktimang naghamon na makipagsuntukan.

Courtesy from El Nido MPS

Kinilala ang biktima na si Paul Mark Arzaga Tumulak, 30 anyos, at residente ng Brgy. Teneguiban, habang ang suspek naman ay pinangalanang Rodney Velasco Valdez, 29 anyos, at residente rin ng nasabing barangay.

Ayon sa spot report ng El Nido Municipal Police Station (MPS), nakatanggap sila ng tawag mula sa punong barangay ng Brgy. Teneguiban na si Kap. Alan B. Tanaleon upang ipagbigay-alam ang nangyaring insidente sa lugar.

Mula sa kanilang inisyal na imbestigasyon, napag-alaman ng pulisya na pumunta ang biktima sa bahay ng suspek na may dalang bolo upang maghamon ng away. Sinira umano nito ang pinto ng bahay ng supek gamit ang kaniyang bolo at sapilitang pumasok sa loob. Binaril naman ng suspek ang biktima sa dibdib gamit ang gawa-gawang shotgun, sanhi ng pagkamatay nito.

Inaresto ng pulisya ng El Nido si Valdez dakong 3 ng umaga. Na-recover naman mula sa lugar na pinangyarihan ang shotgun na ginamit ng suspek, ang bolo ng biktima, pati ang asul na flashlight ng biktima.

Agaran namang dinala sa Rural Health Office ng munisipyo si Valdez upang maeksamina.

Sa ngayon ay nasa kustodiya ng El Nido MPS ang suspek. Ayon pa sa El Nido MPS ay naghahanda na ng kaso laban dito.

Exit mobile version