NCIP, DENR-MGB, kinalampag na aksyunan na ang hindi pagbibigay ng royalty share ng Citinickel

Members of the multi-partite monitoring team conducted the validation of the operations of Citinickel Mines and Development Corporation (CMDC) for the 2nd Quarter 2020 Multi-partite Monitoring Team Validation and 3rd Quarter 2020 Ambient Air and Water Sampling activities on August 17-21, 2020. https://region4b.mgb.gov.ph/archive/news-archive/340-in-photos-multi-partite-monitoring-team-conducts-q2-2020-validation-of-citinickel-mines

Bilang kinatawan ng NGO sa Multi-partite Monitoring Team (MMT) at sa Mines Rehabilitation Fund Committee (MRFC) ng isang kompanya ng minahan sa mga bayan ng Narra at Sofronio Española, hinihiling ngayon ng abogadong si Nesario Awat sa DENR-Mines and Geo-sciences Bureau (MGB) at sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na aksyunan na ang hindi pa rin pagbibigay ng royalty share sa mga indigenous peoples sa Bayan ng Narra.

Ani Awat, legal area manager ng Tanggapang Panligal ng Katutubong Pilipino (PANLIPI) at kasalukuyang konsehal ng Lungsod ng Puerto Princesa, ipinaabot sa kanya ng kahalili niyang kinatawan sa MRFC ng Citinickel Mines and Development Corp. na si Teofilo Tredez na kasalukuyan ding presidente ng Calategas Irrigators Services Association (CISA), na ilang taon na ang nakalilipas at hanggang sa ngayon ay hindi pa rin naibibigay ng nasabing mining company ang one percent royalty share ng mga katutubo. Sa Bayan ng Narra, na ang mga IPs na naninirahan ay karamihang mga Palaw’an at Tagbanua, nag-o-operate ang minahan sa Brgy. Batu-bato.

“More than five years na ‘yan, o baka nga hindi lang five years. Dini-dribble, dribble lang ng Citinickel ‘yan. [Dapat] ang nasa gobyerno, ang mas pinoprotektahan nila ay ang mga tao kasi ang nakaiinis, sila’ng nasa gobyerno, ang tinitingnan nila, ‘pag sinabing violation, hindi lang about sa environment, pati ‘yung kanilang commitment di ba!?” tahasang pahayag ni Awat.

“Yong pera, saan ba nila nilalagay? Hindi naman nila (Citinickel) nilalagay sa account ng community; ibig sabihin panloloko ‘yon! Kaya dapat ‘yan [inaaksyunan] ng DENR-MGB,” dagdag pa ng konsehal.

Aniya, naibigay ang royalty share noong una ngunit hindi na nasundan pa dahil ang naging katwiran umano ng nabanggit na kompanya sa ngayon ay wala namang katutubo sa komunidad. Paliwanag naman niya, kaya tinawag na domain ng mga IPs ang lugar kaya hindi na  kailangang nakatira sila roon.

“Itong Citinickel, kaya sila nakapasok diyan ay dahil sa mga tao. ‘Pag sinabi nating tao…’yong mga katutubo. Nagkaroon diyan ng small scale mining noon at nagkaroon ng [pagkuha ng] FPIC. Binili ‘yon ng Citinickel…at siyempre, nang binili nila ‘yan, kasama na ang FPIC kaya siyempre dapat may share na one percent [ang mga katutubo],” giit ni Awat.

PAGKALAMPAG SA MGA AHENSIYA NG GOBYERNO

Bilang pagkalampag sa mga concerned government agencies, walang paligoy-ligoy na inihayag ng konsehal na ang mga nasa gobyernong kagaya niya ay kinakailangan sa bawat ginagawa nilang mga desisyon, patakaran at mga batas ay pabor sa mga tao, kagaya na lamang ng mga IPs.

“Itong NCIP pa no, problema rin ‘yang opisina na ‘yan eh…imbes na sila ang tumulong sa mga katutubo, sila ang nagpapahirap sa mga katutubo. May mga patakaran silang hindi maganda….,” walang paligoy-ligoy na pahayag ni Kgd. Awat.

Sa isang hiwalay namang panayam kay Tredez, sinusugan niya ang mga tinuran ni Kgd. Awat at sinabing matagal ng usapin na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng kalutasan. Aniya, palaki na ng palaki ang royalty share na hindi naibibigay sa IP communities na nagtulak sa kanila na magsampa ng Administrative case upang bawiin ang Free, Prior, and Informed Consent (FPIC).

“Kapag nagkakaroon [kami] ng MRFC o Mines Rehabilitation Fund Committee meeting, napag-uusapan ‘yan….Kasi nag-ugat ‘yan dati…sinasabi ng vice president ng kompanya na wala raw mga tenurial instrument ‘yong IPs ng Narra para magsabi na mayroon silang CADT o anumang pinanghahawakan na mga bagay na sila ang nagmamay-ari no’n…kaya binawi nila (IPs) ‘yong kanilang ibinigay na FPIC at ito ay ipinadala [nila] sa NCIP,” pahayag ng alternate representative ni Awat sa MRFC.

Ngunit matapos naman umanong makahain ng reklamo sa NCIP ang mga apektadong katutubo ay iyon naman ang ginawang rason ng Citinickel na kailangan munang tapusin ang kasong administratibo bago sila magbibigay ng royalty share. Nakaaawa lamang umano na ang ibang naghihintay ng kanilang kabahagi ay pumanaw na.

“Ang point natin dito na dahil ang bola ay nasa NCIP na, NCIP din dapat ang nagpupursige na tapusin ang problemang ito. Nag-file sila ng complaint sa NCIP na binabawi na nila ang [ibinigay nilang] Free, prior, and Informed Consent at napunta ito sa Commission En Banc ng NCIP at ibinalik ng Commission En Banc sa regional director ng NCIP…na dapat sila ang mag-resolve ng kaso na ito ng NCIP kaya lang ang problema, hanggang sa kasalukuyan ay hindi sila nagdedesisyon,” ayon pa kay Tredez.

Hiling sa ngayon ng mga opisyal na magkaroon na ng close door meeting ang kompanya at ang NCIP upang masolusyunan na ang usapin.

WALANG NABALANGKAS NA PROGRAMA?

Ani Tredez, may ginawa na ring proposal ang mga IPs para sa mga programa na pagagamitan  nila sa matatanggap nilang salapi ngunit ang lumalabas umano sa ngayon ay ibinabalik sa mga katutubo, pinapagawa sila hanggang sa na-delay ang pamamahagi ng royalty share.

“Ako sa part ko bilang representative ng NGO, matagal nang gusto kong i-recommend [na magpalabas] ng notice of violation [laban sa kompanya dahil] doon sa royalty [share] na hindi nila ibinibigay kasi isa sa mga compliance ng company ay ang pagbibigay ng royalty sa mga katutubo dahil nasa memorandum of agreement nila ang pagbibigay ng one percent na royalty [share]. Ngayon, kung hindi iyon maibigay, automatic na may valid violation,” aniya.

Matatandaang tila ginisa rin ng ilang miyembro ng City Council, kabilang na si Kgd. Awat, ang kinatawan ng DENR-MGB na si Engr. Elmer Crisologo, nang imbitahan sa City Council noong Lunes, dahil sa kawalan din ng aksyon ng kanilang ahensiya sa umano’y paglabag ng Citinickel.

“Isa po sa mga requirements prior sa issuance of permit para magkaroon ng large scale mining kagaya ng Citinickel, kung mayroong FPIC, at ‘yong share ng mga katutubo ay hindi ibinibigay, it is as if na dapat i-treat ‘yon na walang pahintulot ang mga katutubo sa pagmimina dahil ‘yong ang pagbibigay nila ng pahintulot ay may kaakibat na share ‘yon,” ani Awat.

Paliwanag naman ni Engr. Cristobal, ang nakarating sa kanilang impormasyon, kaya hindi nabibigyan uli ng kabahagi ang Narra ay dahil wala pang ginagawang programa ang mga benepisyaryong IPs. Aniya, malinaw sa batas na bago ibaba ang anumang royalty share ay dapat alam kung saan ilalagak ang matatanggap na salapi ngunit ang gusto umano nila ay pera lamang na hindi maaari dahil may dapat sunding mga polisiya.

Ngunit sinalungat ni Konsehal Awat ang tinuran ni Engr. Cristobal at iginiit na hindi iyon ang totoong isyu. Nakiusap din ang konsehal sa kanya na iparating sa pinuno ng kanilang tanggapan ang tunay na isyu sa Narra at baguhin ang polisiya upang mabigyan na ng royalty share ang mga katutubo sa lugar na sinang-ayunan naman ng kinatawan ng DENR-MGB.

Samantala, tumangging namang magbigay ng pahayag ang OIC ng NCIP-Palawan na si Mary Ann delos Santos dahil nasa regional office na ang issue habang ang Citinickel naman ay sinusubukan pang hingan ng panig ng Palawan Daily News.

Exit mobile version