Dumalo sa imbitasyong nagmula sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Narra si Joel Pelayo, kilalang anti-coal advocate at tumatayong spokesperson ng No To Coal Movement in Palawan ngayong Lunes, Oktobre 21.
Ito ay matapos paanyayahan ni Barangay Bato-Bato Captain Ernesto Ferrer sa nakaraang privilege speech nito sa naunang regular SB session noong nakaraang Lunes, Oktobre 14.
Sa nangyaring Question Hour kanina na pina-unlakan ni Pelayo, dinepensa niya na wala umano siyang inilabag sa batas sapagkat ito raw ay isang public concern na dapat mabigyang-pansin.
Dagdag pa niya, kanyang ipinaskil ang tarpaulin sa speech niya noong nagdaang IEC upang malaman ng tao kung saan nagsimula at kung papaano na-endorso ang pagpapatayo ng planta sa munisipyo parte nito ang pagpapaliwanag niya ng estado ngayon ng kontrobersiyal na Coal-Fired Power Plant.
“Parte ng usaping na-assign sakin na talakayin at ipaliwanag kung papaano nagsimula ang usapin ng Coal sa bayang ito. Gayundin ang usapin kung papaano na-endorso ito at kung ano na ang status ng proyekto sa ngayon,” anya ni Pelayo.
Ayon kay Ferrer, nais niya umanong anyayahan sa Question Hour si Pelayo upang magpaliwanag sa nagdaang Information Education and Communication Campaign (IEC) ng mga anti-coal advocates na naganap noong Oktobre 12 sa naturang munisipyo.
“Gusto lang nating iparating sa ating Sangguniang Bayan ang pananalita ng kanilang leader na si Mr. Joel Pelayo na para bang binabatikos ‘yung mga taong nagsipag-endorso sa SB na hindi naman dapat,” ani ni Ferrer.
“Kung anti-coal sila, go-ahead ‘diba? Hindi naman natin pinipigil ang ang pag aanti-coal nila. Pero hindi naman siguro karapatab nila na sisirain ang pangalan ng isang mamumuno sa SB ng Narra para dumami ang anti-coal,” dagdag pa ni Ferrer.
Matatandaang ipinaskil ni Pelayo ang tarpaulin na naglalaman ng pagmumuka ng mga former at incumbent na opisyal ng SB na siyang nag-endorso sa pagpapatayo ng kontrobersiyal na 15MW Coal-Fired Plant sa Barangay Bato-Bato, Narra habang kanya ding ipinapaliwanag sa harap ng tinatayang 600 anti-coal advocates noong Oktobre 12 kung papaano nagsimula ang usapin ng Coal sa munisipyo.
Ayon naman kay Ferrer, hindi umano nila pinagbabawalang magsagawa ng IEC at mag-rally ang mga anti-coal advocates ang kanya lamang kahilingan ay maging patas ang mga ito at mag-focus sa kung ano ang nakikita nilang magiging epekto ng pagpapatayo ng planta sa bayan. Gayundin ang kahilingan nito na ipagpa-liban na nina Pelayo ang pagdawit sa mga pangalan ng mga opisyal na nag-endorso ng planta noong 2015.
“Ang sakin lang, hindi na ninyo kailangan pang banggitin ng paulit-ulit ang pangalan ng mga nag-endorso nito noon. Aminado naman kami, ang masama kung inendorso namin ‘yan tapos uurong kami bandang huli,” anya ni Ferrer.
Kasabay nito, nakiusap si Ferrer na itigil na ang personal na pag-atake sa mga pro-coal advocates kasama siya sa social media platforms sapagkat may kanya-kanya umano silang mga pamilya na maaring maapektuhan ng cyber-bullying. Bagkus, makipag-argumento lamang sa mga topic na sumasaklaw ng epekto ng Coal-Fired Plant.
“Masama kasi may mga comments na nagsasabi sakin, ‘Bobo si Kapitan Ferrer,’ ‘Walang alam si Kapitan Ferrer,’ hindi siya maganda at hindi naman na kailangan pang sabihin ‘yun. Kasi personal na atake na ‘yun,” ani ni Ferrer.
Ayon naman kay Pelayo, hindi niya masasaklaw at masisigurado na maititigil na ang mga ganitong klaseng komento sa social media sapagkat may kanya-kanyang opinyon ang mga netizens. Gayunpaman, siya ay nangako sa harap ng SB na mamumuno sa pagpa-paalala sa mga anti-coal advocates kagaya niya na mag-ingat sa mga komentong kanilang bibitawan sa social media.
Sa huli, nakiusap din si Pelayo sa mga miyembro ng Sanggunian na sila ang manguna sa pagpapatigil ng pagtayo ng planta sa bayan ng Narra.
“I plea to the members of the Sangguniang Bayan to help us stop the proposed project for the benefit of this town,” giit ni Pelayo.