Ipinaliwanag ni Cabinet Sec. Karlo Nograles, nang bumisita sa Palawan para sa programang Cabinet Assistance System kamakailan, ang punto ng gobyerno sa pagtangkilik sa non-renewable energy sources gaya ng coal.
“Ang gusto kasi natin is better services para sa mga kababayan nating taga-Palawan, ‘yun ang ‘Endgame’ dito eh!” paliwanag ni Nograles.
Aniya, ang paggamit ng renewable energy “ang direksyong gusto nating tahakin” at hangga’t maaari ay iyon ang inuuna ng pamahalaan dangan nga lamang umano ay hindi ganoon ka-reliable ang RE’s dahil mayroon itong limitasyon. Gaya na lamang umano ng hydro power na apektado kapag tag-init o sa solar kung walang sapat na sikat ng araw kaya hindi pwedeng gawing baseload.
Tinitingnan umano ng gobyerno ang pagkakaroon ng reliability ng source at doon na pumapasok ang konsiderasyon sa paggamit ng energy mix.
“Kailangan kasi ng healthy mix, even si Pangulong [Rodrigo] Duterte, when he was the Mayor of Davao City, had to agree to that at pumayag din ang Davao City…na malagyan ng coal-plant [ang kanilang lugar] kasi kailangan ng healthy mix, not just [relying only to] renewable [sources],” ayon kay Cabinet Sec. Nograles.
Dagdag pa niya, mayroon din namang mga makabagong teknolohiya kaya walang dapat ipangamba ang taumbayan.
Ngunit nilinaw niyang kailangang dumaan muna sa akma at mga kinakailangang proseso at dumaan muna sa konsultasyon para sa social acceptability ng mamamayan bago maipatayo ang planta ng coal halimbawa ng plano ngayong proyekto sa Narra, Palawan.
“Kaya nakalagay ang mga protocol at mga proseso na ‘yan set by the law, set by DOE para to ensure na it’s environmentally sound, all stakeholders are consulted and ultimately for the benefit and sustainability ng Palawan,” punto niya.
Giit ni Nograles, kailangan ding tingnan kung may sources ng energy sa Palawan at kung sasapat ba ito para sa isang growth corridor o isang growth center.
“At ‘pag sinabi mong growth center, kailangan mong ma-anticipate ‘yung growth ng Palawan not only in terms of economic growth but population wise….The bigger your population, you have more people requiring power and energy; number two, the more ma-build-up ‘yung industry ng Palawan, then the more ‘yung energy requirement mo and number three, kung maganda rin ‘yung energy requirement mo, dadami rin naman ‘yung investments dito,” giit niya.
Aniya, isa ang Palawan sa mga lugar na tinitingnan ng mga foreign investors na paglagakan ng kani-kanilang mga negosyo lalo pa umano ay dahil maraming mga proyektong pang-imprastruktura ang ibinubuhos ng Administration sa lungsod at lalawigan kaya dapat na rin umanong asahan na tataas din ang pangangailangan pang-enerhiya at serbisyong patubig.