One palawan movement at 3 in 1 may kanya-kanyang paraan ng pangangampanya sa plebisito

Todo ang panunuyo ngayon sa mga botante sa iba’t ibang munisipyo ng mga tumututol at maging ng mga papor na mahati ang Palawan sa tatlong probinsya. Mahigit tatlong linggo na lang kasi ay isasagawa na ang plebisito.

Sa kampo ng ‘No,’ dahil kulang umano sila sa kakayanan para pumunta sa mga munisipyo ay ipagpapatuloy nila ang panliligaw sa mga mamamayan sa pamamagitan ng social media at pagdalo sa mga pagpupulong ng COMELEC.

“Magpapatuloy kami sa pangangampanya sa social media tapos sana nga maimbitahan din kami ng COMELEC sa mga pulong-pulong na gaganapin kasi malinaw naman ang sinabi ng National COMELEC na welcome ang lahat ng panig magsalita [at] magpahayag yung dalawang panig. Kalayaan nila mag-present ng kanilang side, so dapat imbitado kami sa mga munisipyo at handa naman ang grupo,” pahayag ni Cynthia Sumagaysay-Del Rosario, One Palawan Movement .

Para naman sa ‘Yes’ mas pagtutuunan nila ng pansin ang personal na pangangampanya sa mga kababayan dahil hindi umano lahat ay may kakayanan na maka-access sa social media.

“Kami naman dumideretso sa tao kasin alam naman natin na mas marami sa ating mga kababayan ang walang access sa social media so pinupuntahan pa namin sila sa mga lugar nila,” pahayag ni Winston Arzaga, Palawan Provincial Information Officer.

Ayon naman kay manong Tisoy ng Narra, Palawan, para sa kanya mas maganda pa rin na direkta nya natatanong o makausap ang nangangampanya kasi kapag social media ay marami ang wala nito lalo na yung mga senior citizen.

“Mas ok pa rin ang personal kasi hindi naman lahat may access sa social media. Yung sa mga taga-baryo wala naman access lalo na yung mga senior citizen, walang facebook,”

Para naman kay Emz ng Aborlan, Palawan, mas praktikal ngayong panahon ng pandemya ang pangangampanya sa social media dahil marami ring impormasyon ang iyong nalalaman dito.

“Wala pa ako napili na iboboto para sa plebisito, pero para sa akin mas ok ang pangangampanya sa social media nasa pandemic tayo ngayon. Makikita mo rin kasi sa social media ang mga kailangang impormasyon na makakatulong sayo sa pagpapasya.”

Exit mobile version