Paggunita ng Undas sa Bayan ng Roxas, mapayapa

Di alintana ng ilang pamilya ang ulan at tinungo ang libingan ng ilang kaanak kagaya ng mag-asawang ito upang mag-alay ng panalangin at linisan at pinturahan ang mga puntod ng mga kaanak. Larawang kuha ni Diana Ross Cetenta/Palawan Daily News

Naging mapayapa sa kabuuan ang paggunita ng undas sa Bayan ng Roxas, ayon sa pinuno ng Roxas Municipal Traffic Enforcement Group.

Unang lumikha ang lokal na pamahalaan ng isang komite para sa “Bantay Undas 2019” na binubuo ng Traffic Enforcement Group, PNP, Philippine Marines, MDRRMO, at Municipal Fire Station.

Naka-standby ang ilang mga first-aider buhat sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pampublikong terminal ng Bayan ng Roxas habang sa di kalayuan naman ay ang mga pwersa ng Philippine Marines. Kuha ang larawan noong Nobyembre 2. Larawang kuha ni Diana Ross Cetenta/Palawan Daily News

Ani G. Reymund Rabang, head ng Roxas Municipal Traffic Enforcement Group, nakamit ito dahil sa kooperasyon ng publiko sa mga otoridad.

Aniya, nagsimula ang “Bantay Undas” noong Oktubre 30 na kung saan, umaga pa lamang ng nasabing petsa nang i-deploy ang ilang tauhan ng pulisya, Philippine Marines, Fire Department, mga nakatuka sa trapiko at first aider teams ng MDRRMO sa terminal at pampublikong libingan ng Roxas sa Barangay 1.

Ayon pa kay Rabang, gaya ng inaasahan, Nobyembre 1 ang pagdagsa ng mga taong dumalaw sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay at iilan lamang noong Oktubre 31 at maging kanina na dapat sana’y ang Araw ng paggunita sa lahat ng mga yumao.

Bagama’t umulan kaninang umaga hanggang tanghali, may ilan namang pamilya ang sinikap pa ring makadalaw sa libingan ng kanilang mga mahal sa buhay. Tulad na lamang ng pamilya ni G. Renato Dalan ng Brgy. Dumarao na nagsindi ng kandila sa puntod ng kanilang lolo na noong nabubuhay pa umano ay mahal na mahal silang magkakapatid.

Samantala, pormal namang natapos ang undas kahapon, ika-2 ng Nobyembre. Sa Munisipyo ng Roxas, pasado alas dos ng hapon kahapon nang mag-pull out na rin ang mga itinalagang pulis at marines at ang nagpaiwan na lamang hanggang alas singko ng hapon ay ang mga miyembro ng Municipal Traffic Enforcement Group.

Exit mobile version