Paglikha ng ‘Palay-Buying Project’, hiniling sa Provincial Board

Isang Palayan sa Brgy. Inagawan, Puerto Princesa City. Larawang kuha ni Eugene Murray/Palawan Daily News

Nakasalang ngayon sa Provincial Board ng lalawigan ng Palawan ang isang panukalang resolusyon na humihiling sa Provincial Economic Enterprise Development Office (PEEDO) na pag-aralan ang paglikha ng “Palay-Buying Project” upang tulungan ang mga magsasakang apektado sa napakababang presyo ng palay dahil sa implementasyon ng Rice Tariffication Law.

“To produce ng palay, ang kapital ay nasa P12. Kapital palang ‘yun, eh! ang bentahan naandoon na. Ibig sabihin walang kita [ang mga magsasaka]. Dapat mas mataas sa P12 [ang bilihan] halimbawa P14, or P15 para kahit kunti naman ay mayroong kikitain ang farmers,” pahayag ng awtor na si Board Member Maria Angelica Sabando sa panayam ng local press matapos ang kanilang regular na sesyon noong ika-29 ng Oktubre.

Sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law, naging maganda ang dulot nito sa mga konsyumer sapagkat maraming bigas na ang mabibili sa mga pamilihang-bayan ngunit ang negatibong epekto lamang ay naging mura ang bilihan ng palay sapagkat marami nang mapagpipilian ang mga mamimili. Matatandaang naisabatas ang RA 11203 dahil sa nagkaubusan ng stock ang NFA noong huling kwarter ng 2018 at naging napakamahal ang mga commercial rice sapagkat kunti ang supply.

Sa ngayon umano ay wala pang pinal na napagkasunduan ang Landbank of the Philippines at si Gob. Jose C. Alvarez, ayon kay BM Sabando ukol sa kung paano magtutulungan ang Provincial Government at ang nasabing bangko na isang government-owned and controlled corporation (GOCC) upang tugunan ang hinaing ng mga rice farmer.

Base umano sa nakalap na impormasyon ni Board Member Sabando, naglalaro lamang ngayon sa P7.50 hanggang P12 ang presyo ng palay kada kilo sa buong probinsiya ng Palawan kaya sa ganoon kababang bilihan, tinitingnan din umano nilang mabigyan ng sabsidiya ang mga magsasaka ng palay.

Sa whereas clause ng naturang proposed measure, nakasaad na bagamat nakaprograma sa NFA-Palawan na bumili ng 600,000 bag ng palay mula sa mga lokal na magsasaka sa halagang P17.50 kada kilo ngunit ang tanging nagawa umano ay katumbas lamang sa 8.9 porsiyento ng kabuuang produksyon sa lalawigan. Pinag-aaralan naman umano ng Junta Probinsyal kung ipagsasama na lamang ang panukalang resolusyon ni Sabando at ng kahalintulad na resolusyon ni Board Member Ryan Maminta.

Noong Setyembre ngayong taon, isang hawig na resolusyon ni BM Maminta ang naisumite sa Sangguniang Panlalawigan. Layon nitong hilingin kay Gob. Jose Alvarez, sa pamamagitan ng Provincial Agriculture Office (PAO) at iba pang kaugnay na mga ahensiya na pag-aralan at ikonsidera ang posibilidad sa direktang paglahok ng Pamahalaang Panlalawigan sa “Rice Industry Value Chain” o mula sa pamimili ng palay, pagpapatuyo, milling at marketing upang matulungan ang mga magsasaka ng palay at ang kanilang komunidad, tiyakin ang seguridad sa pagkain, at ma-mitigate ang negatibong epekto ng “Free Market Forces” na dulot ng Rice Tarification Law.

Minsan na ring naitanong kay Cabinet Sec. Karlo Nograles, nang bumista sa Palawan bilang bahagi ng pag-iikot ng kanyang grupo sa lahat ng rehiyon sa bansa para sa Cabinet Assistance System, kung may napag-usapan ba sa Gabinete ng Pangulo na repasuhin ang batas o magbigay ng tulong sa mga apektadong magsasaka.

“Parati naming pinag-uusapan ito ‘yung effects ng Rice Tariffication Law dito sa different sectors and stakeholders natin….Tinitingnan din naming kung anu-anong mga hakbang ang dapat gawin. So, every Cabinet meeting, may mga dagdag na instruction ang Pangulo regarding that”, ani Nograles.

Ipinaabot niyang ilan sa mga napag-usapan ay kung itaas ang taripa sa inaangkat na bigas o ipanatili muna ito sa loob ng isang taon upang lumabas ang lahat ng birth pain saka sosolusyunan. Ito umano ang dahilan kaya may patuloy na dayalogo.

“In the meantime, status quo muna tayo riyan, whether or not i-increase natin ‘yung tariff….Mino-monitor [naman] natin ‘yung lahat ng mga challenges and also ‘yung mga benefits,” dagdag pa ni Nograles.

Kinukonsidera rin umano ng national government ang pagbibigay ng interbensiyon sa mga magsasaka ng palay. Masaya niyang ibinalita na sinusuportahan ng Pangulo ang Joint Resolution ng Mababa at Mataas na Kapulungan na pahintulutan ang pamahalaan, sa pamamagitan ng NFA, na i-convert ang Conditional Cash Transfer (CCT) na rice allowance na ibinibigay ngayon ng cash na maging bigas na lamang para makatulong sa mga rice farmer.

“Pag grinant ng Kongreso po ‘yan, then we will be able to purchase rice directly from the farmers. So, when the government purchases directly to the farmers, mararamdaman na ng mga magsasaka natin na ito na ‘yung tulong ng gobyerno sa kanila,” ani Nograles.

Ang iba pang hakbang ng pamahalaan ay ang pagsasabatas ng “Expanded Partnership Against Hunger and Poverty” na feeding programs ng DSWD at ng Department of Education na kung saan, direktang bibili palay ang pamahalaan sa mga magsasaka. Maliban pa umano ito sa pagkonsidera na lumikha ng Special Unconditional Cash Transfer (UCT) Program. Tiniyak din ng kalihim ng Gabinete na Pangulo na palaging kasama sa kanilang mga pag-uusap at maging sa ibang cluster gaya ng economic development cluster ang suliraning kinakaharap ngayon ng mga magsasaka ng palay.

Exit mobile version