Naging sanhi ng pagka-alarma ang napabalitang lockdown sa kalye ng Osmena Street sa bayan ng Narra kaninang umaga dahil nandoon umano ang babaeng ngtatrabaho sa isang bar sa Port Barton na nakasalamuha diumano nito ang Australian national na lumabas na positibo sa COVID-19. Pero nilinaw ito ng mga nagrumesponde sa bahay ng nasabing babae.
Agad umaksiyon ang pinagsamang pwersa ng PNP Narra, medical experts at Rescue 165 na siyang tumungo sa boarding house nang nasabing babae. Batay sa imbestigasyon, sa pamamagitan ng Facebook Page ng ”Narra Fight for Covid19 Update” na pinaniniwalaang pinamamahalaan ng mga tauhan ng LGU Narra, lumabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na bagaman may karelasyong Australiano ang babae, ito ay hindi ang 26 anyos na turistang sinasabi na nagpositibo sa coronavirus. Hindi rin daw nakitaan ng anomang sintomas ang babaeng itinuturong nakasama ng turista sa Port Barton.
”Matapos ang pag-iimbestiga ng mga kinauukulan lumabas na ibang Australian national ang nakasama ng isa sa dalawang babae na nagtatrabaho sa Music Lounge sa Port Barton, San Vicente, Palawan na kasalukuyang nagboboard sa Osmena St, Poblacion, Narra. Napatunayan ito mula sa LARAWANG kanilang ipinalita. Mababatid na magkaiba ang itsura nito at na kasama nila ito noong February 28, 2020, mababatid na March 7, 2020 lamang dumating sa Palawan ang nasabing Australian National na nagpositibo sa COVID19. Wala din kahit anong sintomas ng nasabing virus ang mga naninirahan sa tahanan,”
Samantala, kasabay nito, kumalat din ang balitang ang isa sa mga babaeng nabanggit na nakasama ng australiano ay nakalusot umano sa bayan ng Narra, Palawan at patungo na sa mga oras na ito sa bayan ng Rizal, Palawan. Agad na umaksyon ang PNP Rizal kaugnay sa balitang lumabas na may dalawang babaeng nakasama sa Port Barton ang Australian National na nagpositibo sa Covid-19.
Ayon kay Police Major Salvador Tabi, ang hepe ng Rizal PNP, agad niyang inalerto ang mga pulis sa checkpoint para bantayan ang mga sasakyang papasok sa munisipyo upang mapigilang makapasok ang sinasabing babae.
“Kahit di pa verified ang report na ‘yan, gumalaw na kami dahil mas mahirap malusutan tayo dito sa Rizal,” sabi ni Tabi. Sinabi pa ni Major Tabi na iikutin din nila bawat barangay upang alamin kung sinu-sino ang mga bagong dating sa kanilang bayan para matukoy at mapa-quarantine ang sinasabing babae.
“Iikot narin kami ngayon dahil sabi ko nga, totoo o hindi ang impormasyon na ‘yan, mas mabuti na umaksyon na kami kesa mahuli pa ang lahat,” dagdag ng opisyal.
Sa ngayon ay kasalukuyang nag-hihintay ng kompirmasyon ang Palawan Daily News mula sa Department of Health at lokal ng Provincial Health Office kaugnay sa mga impormasyong nabanggit.