Pagpatay ng DENR Forest Ranger at insidente ng terorismo sa Palawan, kinondena ng Pamahalaang Panlalawigan

image credit www.sieuthichungcu.info

Mariing kinondena ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang pamamaslang sa isang forest ranger na kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) – Palawan na si Bienvinido “Toto” Veguilla, Jr. at ang insidenteng terorismo na nangyayari sa timog na bahagi ng lalawigan.

Sa kanilang inilabas na pahayag, sinabi nito na ang nangyaring pamamaslang ay kailanman hindi pinahihintulutan ng pamahalaang panlalawigan maging ang iba pang insidente ng terorismo at karahasan.

Si Veguilla ay kawani ng DENR at na destino sa El Nido Taytay Managed Resource Protected Area (ENTMRPA) sa bayan ng El Nido. Siya ay napaslang nitong Miyerkules, Setyembre 4, 2019 sa Brgy. Pasadeña, El Nido, Palawan.

Nangangako naman ang Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Gobernador Jose Chavez Alvarez na agad na tugunan ang pangangailangan ng ating mga forest rangers sa lalawigan upang mas maging epektibo sa kanilang pagganap bilang tagapagtaggol ng kalikasan.

Nakikipagtulungan din ang Kapitolyo sa mga otoridad upang mas mapabilis ang imbestigasyon sa nangyaring pamamaslang gayundin ang nangyaring enkwentro sa pagitan ng New Peple’s Army (NPA) at Philippine Marines sa Southern Palawan.

Sa pahayag ng Pamahalaang Panlalawigan sinasabi nito na umiiral ang batas-pangkapayapaan sa bansa at ito ang dapat na sundin ng bawat mamamayan.

“Makakaasa ang bawat mamamayang Palaweῆo sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa patuloy na pagpapanatili at pagmamantine ng kapayapaan sa Palawan at sa buong bansa,” ayon pa sa kanilang pahayag.

Exit mobile version