Palawan 3rd District Cong. Hagedorn, nakipagpulong sa ERC kaugnay sa power crisis sa Palawan

Photo Credits to Cong. Edward Hagedorn

Makabuluhang nakipagpulong si Palawan 3rd District Congressman Edward Hagedorn nitong ika-19 ng Setyembre sa Chairperson ng Energy Regulatory Commission na si Atty Monalisa Dimalanta.

Layunin ng kanilang pulong ang ipabatid  sa mambabatas na aprubado na sa pamahalaang nasyunal ang partial release ng subsidiya para sa DELTA P na kukunin mula sa Universal Charge for Missionary Electrification (UCME) sa ngayong darating na buwan ng Nobyembre.

Ayon pa kay Atty. Dimalanta, binibigyan na rin ng karapatan ang National Power Corporation o Napocor na pumasok sa isang loan agreement o paghiram sa isang bangko habang hinihintay pa ang pagpapalalabas ng pondo para sa kabuoang subsidya.

Kaugnay nito, nagpasalamat  naman si Congressman Hagedorn kay Atty. Dimalanta sa mga ahensiyang kumilos upang mabigyang solusyon ang nakaambang krisis sa enerhiya na maaaring kaharapin ngayong katapusan ng Setyembre.

Matatandaan nitong nakalipas na linggo, personal nang ipinaabot ng pamunuan ng Delta P ang kanilang magiging aksyon kung sakaling hindi pa mabayaran ng National Power Corporation ang pagkakautang nito na mahigit sa P400-million ng kuryente sa buong lalawigan ng Palawan na abot ng serbisyo ng naturang power provider kasama ang dalawang iba pa.

Sa pamamagitan ng pagdinig ng komite ng enerhiya sa senado na pinangungunahan ni Sen. Raffy Tulfo, naglabas ng agama-agam ang lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa sa pamamagitan ni City Mayor Lucilo Bayron na kagya’t namang binigyang paliwanag ng Delta P, at tinugon ng Napocor.

Bilang resulta, ang Energy Regulatory Commission na mismo ang tumutok sa sulosyong nararapat kasabay ng ilan pang isyung inilapit sa komite, at inaasahang ito ay magdudulot ng pangmawakang kaayusan sa isyung pang-enerhiya ng bansa.

Exit mobile version