Pinaghahandaan na umano ng Provincial Government of Palawan ang pagdating ng mga bakunang magmumula sa National Government sa pamamagitan ng paggawa ng mas konkretong vaccination program. Kanila umanong ililista na ang mga mauunang mababakunahan sa Palawan. Inaasahang maisusumite ang listahan ngayong Pebrero sa opisina ni Secretary Carlito Galvez Jr., Deputy Chief Implementer Against COVID-19, ayon kay Provincial Information Officer Winston Arzaga.
“May ginagawa pang mas komprehensibong vaccine roadmap [at] yun naman hinihingi sa amin ng Office ni Secretary Galvez ngayong February. By February 28 tapos na yan [at diyan] nakalista yung lahat ng mga taong babakunahan…”
Aniya mayroong humigit kumulang 470,000 katao ang prayoridad sa kanilang talaan at base ito sa edad ng mga nailista upang masiguro ang kaligtasan ng kalusugan ng lahat ng mamamayan sa buong lalawigan.
“Between 18-59 years old, yan po ang uunahin. 470,000 lampas ang mga babakunahan. Yung mga seniors natin [at] mga below 18 yun naman yung susunod. Ito kasi ang inuuna para magkaroon ng tinatawag na herd immunity dito sa Palawan.”
Samantala, inaasahan na sasabay din ang probinsya ng Palawan sa malawakang pagbabakuna na gagawin ng National Government sa darating na Abril.
“Base naman yun sa pronouncement ng National Government. Malamang mga around April yan ang puso ng pagbabakuna.”