Palawan, mayroon na umanong COVID-19 vaccination plan

Pinasinungalingan ni Provincial Information Officer (PIO) Winston Arzaga na wala pang COVID-19 vaccination plan ang Palawan. Ito ay matapos ianunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa press briefing na isinagawa noong Enero 29, 2021 na sa mga probisiya sa MIMAROPA, Palawan na lang ang walang naisumiteng plano para sa pagbabakuna kaugnay ng COVID-19.

Ayon kay Arzaga, nagsumite sila ng mga requirements sa Department of Health (DOH).

“Andun na sa DOH. On time na na-submit yan. So nagtataka kami kung bakit sinasabing na-late. On time yan na nai-submit yan. Ang pag-submit sa DILG di po natin kasalanan yan. Kumpletong road map po yan ibinigay. Ni-require kami magpasa niyan sa DOH, then DOH is supposed to transfer sa DILG. But kami, nasubmit yan on time yung tinatawag na micro planning for vaccination…”

Dagdag pa nito na kung mahuli man ang Lalawigan ng Palawan sa pagbibigay ng plano ay dahil sa malaki ang probinsya kumpara sa iba at maraming kailangang impormasyon sa hininging plano ng DOH.

“Yung sinasabi nilang yung sa MIMAROPA nahuli tayo magbigay, expected yun kasi planning yan. Siyempre magpaplano ka titingnan mo yung ilalagay mo sa plano. Eh sa laki ba naman ng Palawan mauunahan ba natin yung Marinduque at saka Romblon sa paggawa ng plano ang liliit ng mga lugar nila? So sana maintindihan nila yun. Hindi naman pabilisan ito basta we have to come up with a very good plan na on the ground reflected talaga yung nandodoon. Di naman pwede sa papel lang yan igawa-gawa mo lang yan. Hindi po. Chine-check din yan.”

Samantala, gumagawa pa ng kaukulang plano ang pamahalaang panlalawigan ngayong buwan ng Pebrero na ipapasa naman sa opisina ni Carlito Galvez Jr., Deputy Chief Implementer Against COVID-19.

“May ginagawa pang mas komprehensibong vaccine roadmap [at] yun naman hinihingi sa amin ng Office Secretary Galvez ngayong February. By February 28 tapos na yan [at diyan] nakalista yung lahat ng mga taong babakunahan. Ginagawa yan and we’re very confident na mabibigay yan kay Secretary Galvez earlier than required. Walang problema yun.”

Exit mobile version