Palawan, pinag-uusapan na rin umano ang pag-akyat ng quarantine status

Pinag-aaralan na rin umano ngayon ng Lalawigan ng Palawan kung nararapat na rin bang iakyat ang risk classification ng probinsiya sanhi ng tumataas na bilang ng COVID-19 sa mga munisipyo.

Ito ang tinuran ni Vice Gov. Dennis Socrates, Acting Governor, sa katatapos lamang na Virtual Press briefing ngayong araw, kasama ang National at Regional IATF, DOH CHD-MIMAROPA, City Government officials at iba pang opisyal ng lalawigan at siyudad.

Ang naging katugunan ni Socrates ay ukol sa kamakailang lumabas na mataas na positivity rate  ng Palawan, kasama na ang Puerto Princesa.

Ipinabatid niya sa publiko na ngayong hapon din ay nagpatawag na rin ng Emergency Meeting ang Provincial IATF ukol sa usapin. Sa kasalukuyan nagpapatuloy ang nasabing pagpupulong.

“So, ang usapan namin, kasama sina PHO, Dr. Faye Labrador at PDRRMO Jerry Alili, ngayong hapon din, ay magpapatawag kami, nagpatawag na, ng Provincial IATF Emergency Meeting upang pag-usapan ano ba ‘yong ating hihilingin sa national IATF na pagtaas [ng quarantine status] kung hihilingin man natin [sa kanila],” ani Socrates.

Sa ngayon ay nasa MGCQ status ang  lalawigan ng Palawan, maliban sa ilang munisipyo na sa ngayon ay nasa ibang quarantine level dahil sa surge ng COVID-19.

Aniya, isa sa mga pinag-uusapan ay ang posibilidad na maghihigpit din sa lalawigan kagaya sa Lungsod ng Puerto Princesa na pinag-uusapan na rin ang posibilidad na taasang muli ang quarantine status mula sa pagiging GCQ sa kasalukuyan.

Ngunit nilinaw ng Bise Gobernador na ang Provincial Government ay mayroon lamang supervisory function sa mga municipal governments.

Komento naman niya sa mataas na positive rate ng COVID-19 sa Palawan na noong mga nakaraang araw ay nasa 67% at sa Puerto Princesa na 77%, hindi naman iyon ganoon kataas kung pagbabasehan ang aktuwal na sitwasyon.

“May posibilidad na misleading ‘yong mga numerong ‘yan; hindi [naman] ganoon kataas [ang mga kaso rito]. Sapagkat ang mga numerong ito’y porsiyento ng mga nagpositibo doon na sa confirmatory testing, hindi sa initial antigen test. Siyempre, kung confirmatory na lang ‘yon, eh malamang tama na ‘yong unang test,” aniya.

“Still, we are not complacent — we’re still alarmed kasi dumami pa rin [ang kaso] kahit hindi ganoon kataas talaga [ang COVID-19 cases sa Palawan],” dagdag pa ng Acting Governor.

Nagbigay din ng reaksyon si Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron sa nasabing mataas na positivity rate ng siyudad.

“Yang positivity rate na nakikita n’yo, hindi ‘yan reflective sa totoong istorya kasi ‘yan ay positivity rate ng ating mga antigen positive na na-confirm ng RT-PCR,” ani Bayron.

Samantala, makukuha naman ang positivity rate sa pamamagitan ng pag-divide ng confirmed case sa bilang ng total specimen at imu-multiply ito sa 100. Inaasahang mataas ang rate sapagkat positibo na sa antigen ang mga sumasailalim ng  RT-PCR. Bagamat, ang minsang mababang rate ay dahil umano sa walang testing na nagawa at hindi talaga nangangahulugang walang nahawaan ng COVID-19 sa partikular na araw o oras.

Exit mobile version