Dalawang grupo ng mga stranded na Palaweño mula sa Metro Manila at Davao City ang dumulog sa Palawan Daily News at nananawagan na matulungang makauwi na sa probinsya.
Sa panayam ng “Chris Ng Bayan”, ang online news and public affairs program ng PDN, kapwa ikinuwento ng dalawang grupo ang kanilang hirap na nararanasan kasama na ang kanilang pangungulila sa kanilang mga pamilya.
Ayon kay Angelie Gargoles na mula sa bayan ng Rizal, pauwi na sana sila dito sa Palawan matapos ang training para sa ina-aplayang trabaho sa ibang bansa kasama ang labing dalawang iba pa pero inabutan na sila ng implementasyon ng enhanced community quarantine sa kamaynilaan.
Dahil dito, naubos ang kanilang dalang pera at sa loob ng halos isang buwan ay umaasa lang sila sa padala ng kanilang mga pamilya mula dito sa Palawan pero ang problema ay halos hindi narin sila mapadalhan ngayon dahil kapos narin ang kanilang mga kamaga-anak.
“Umaasa po kami sa mga padala dyan galing Palawan pero ngayon po ay hirap na po kasi, wala na din po silang mapagkunan ng ipapadala sa amin kasi halos wala din daw silang natatanggap dyan,” ani Gargoles sa interview ng PDN.
Dagdag pa ni Gargoles na sinubukan na nilang sumulad sa DSWD at pinayuhan anya silang lumapit nalang muna sa barangay na nakakasakop sa kanilang tinutuluyan ngayon sa Maynila pero wala rin anyang nangyari at wala rin silang natanggap na ayuda.
“Sumulat na po kami sa DSWD at dito [Pasay] sa barangay daw po na nakakasakop sa amin kami lumapit pero wala rin pong maibigay na tulong dahil hindi rin nga daw po kami taga dito,” dagdag pa nito.
Samantala, isang grupo pa na binubuo ng siyam katao ang stranded din sa Davao City at nais naring makauwi dito sa Palawan ang humingi din ng tulong sa Palawan Daily.
Ayon kay Lorenzo Mades na residente ng lungsod, ayos lang sana kung isang buwan lang pero mula nang ma-extend ang ECQ ay unti-unti naring nauubos ang kanilang naipon mula sa kanilang pinagtrabahuan sa ibang bayan.
“Kami nalang talaga Sir ‘yung kumakalap ng… kahit sa mga barangay na mabigyan kami kahit dalawang kilos bigas at awa ng Diyos ay may nagbibigay din pero hindi naman talaga sapat Sir at saka gusto narin talaga namin makauwi sa mga pamilya naming,” kwento nito sa PDN.
“Salamat po at kahit papaano ay napakinggan n’yo ‘yung aming hiling na makauwi dahil nga gusto narin naming umuwi dahil kami lang din ang inaasahan ng pamilya naming doon [Puerto] at may naghihintay din kasi hirap na hirap narin kami dito Sir,” dagdag pa ni Mades.
Sa panig naman ng pamahalaang panlalawigan, pinayuhan ni Provincial Information Officer Winston Arzaga ang mga Palaweñong humihingi ng tulong para makauwi na dito na sumulat kay Governor Jose Chaves Alvarez at sa pamamagitan ng Palawan Daily ay maiparating ang nasabing sulat sa tanggapan ng gobernador.
“They have to write and to request kung ano talaga ang specific assistance na gusto nila and I would suggest na get in touch with our three congressmen na nasa Manila at na-lockdown para mas mabilis ang tulong,” payo ni Arzaga sa mga stranded na Palaweño.
“Pwede nila ipadala sa ating PIO page [Facebook] at ipapadala natin kay Governor ‘yan or pwede din po ipadala sa inyo [PDN] since kayo po ang may contact na sa kanila at pwede n’yo bitbitin sa amin ‘yan and we will do the rest para matulungan sila,” dagdag ni Arzaga.
Samantala, sinabi rin ng opisyal na kailangan talaga nilang sumulat dahil maraming inaasikaso ang pamahalaang panlalawigan dahil kahit dito anya sa probinsya ay marami rin silang inaasikaso at tinutulungan na na-stranded din at hindi makauwi sa kanilang mga probinsya.
“Marami talagang stranded hindi lang ‘yung Manila to Palawan kundi pati Palawan to Manila na mga kababayan po natin na nagbabakasyon dito na hindi makabiyahe pabalik ng Manila. Marami ‘yan, two ways ‘yan e at di pa natin nakukuha ‘yung iba pero tuluy-tuloy din ang support namin dyan sa pagbibigay ng mga food packs,” pagtatapos ng opisyal.
ISANG grupo ng mga stranded construction workers based sa Katipunan, Quezon City ang tuwirang humingi ng tulong sa Department of Labor (DOLE) at iba’t ibang agency ng gobyerno. Sa video ipinadala ng mga stranded na construction workers, mula ng ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) wala pa silang natatanggap kahit anumang tulong sa anumang agency ng gobyerno, isang buwan na ngayon. Ayon sa grupo lahat sila ay taga Mindanao, nagtatrabaho bilang construction workers dito sa Manila, at walang mga kamag-anak na pwedeng hingan ng tulong, kayat nanawagan sila sa DOLE at iba pang sectors. Pakiusap nila kay DOLE Sec. Silvestre Bello, ibigay sa kanila ng diretso ang P5,000 tulong upang maipadala agad sa kanilang mga pamilya sa Mindanao ang pera dahil wala na ring makain.
Kailangan din ng mga stranded na workers ang bigas, tsinelas, toothpaste, sabon at iba pang personal hygienes. Nanawagan din personal ang mga stranded worker’s kay Quezon City, Mayor Joy Belmonte, mga pare sa Ateneo, construction management at iba pang sector na nagbibigay ng tulong puntahan sila upang personal na makita ang kanilang kalunos lunos na kalagayan.