Pamahalaang Bayan ng Busuanga, nakatakdang magtayo ng local radio station bilang mode of instruction

Bilang pagsuporta ng Pamahalaang Bayan ng Busuanga sa “No-Face to Face classes” ng Department of Education (DepEd), isa sa mga nakatakdang isagawa ay ang pagtatayo ng isang lokal na istasyon ng radyo bilang mode of instruction sa buong munisipyo.

Ito ang kabilang sa mga napag-usapan sa nakaraang pagpupulong noong ika-14 ng Hulyo na pinangunahan ni Busuanga Mayor Beth Cervantes, kasama ang mga opisyales ng DepEd-Busuanga, mga punong barangay, ang PTA Federation at ang mga ahensiya ng gobyerno bilang sa paghahanda may kaugnayan sa pagbubukas ng klase sa Agosto 24, 2020.

Sa nasabing aktibidad ay hiningi ni Mayor Cervantes ang suporta ng lahat ng sektor sa implementasyon ng transitional education system sa “New Normal” upang matiyak na lahat ng kabataang Busuangeño ay magkaroon ng pantay na oportunidad sa edukasyon kahit sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Final na po ‘yan. We are communicating now with [the] DA kasi sila, may available na radio outreach programs,” ang naging pahayag naman ng tagapagsalita ng LGU Busuanga na si Jonathan Dabuit.

Dagdag pa ni Dabuit, pupunduhan ng P3 milyon ang nasabing programa. Tiniyak din niyang susundin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng protocol ng DepEd ukol dito.

Kaugnay nito, kabilang din sa mga mahahalagang puntos na napag-usapan sa meeting ay ang pagbili ng LGU ng Risographs para sa mass printing ng mga module, magbibigay ng tulong ang lahat ng mga barangay para sa school requirements, magkikita-kita ang Parents-Teachers Association (PTA) upang tingnan kung paano rin makatutulong ang mga magulang, at gagamitin ang iba pang posibleng sources upang makatulong na makuha ang mga pangangailangan ng mga paaralan at ng mga estudyante.

Samantala, inanunsiyo ng DepEd kahapon na magbubukas na ang klase sa Agosto 24 ngayong taon anuman ang mangyari.

Exit mobile version