Panukalang pabahay para sa dating rebelde, inilatag sa plano ng lalawigan ng palawan

Inilatag ng pamahalaang panlalawigan ang isang makabuluhang hakbang: ang pagtatayo ng mga pabahay para sa mga dating rebelde sa mga bayan ng Brooke’s Point at Española.
Ang naturang panukala ay tinalakay kamakailan sa ginanap na Sectoral Planning Workshop ng General Welfare Committee, kung saan ibinida ang Socialized Housing Project na bahagi ng 3-Year Transformation Program Roadmap ng National Housing Authority (NHA) para sa taong 2025 hanggang 2027.
Bagama’t dalawampu lamang ang tinatarget na benepisyaryo, malaki ang sinasagisag ng proyektong ito—hindi lamang bilang konkretong tulong sa mga dating lumaban sa gobyerno, kundi bilang simbolo ng pagbabalik-loob, pagbibigay ng dignidad, at pagtanggap ng lipunan.
“Patuloy nating pinalalawak ang mga programang nakaugat sa komunidad—lalo na para sa kabataan at sa mga grupong higit na nangangailangan,” ani Abigail Ablaña, Provincial Social Welfare and Development Officer at Committee Chairperson. “Sa pamamagitan ng datos at pagtutulungan, nais nating matiyak na ang mga serbisyong panlipunan ay tunay na inklusibo at tumutugon sa pangangailangan ng bawat Palaweño.”
Kasama sa magiging ambag ng pamahalaang panlalawigan ang P2.4 milyon na pondo para sa mga pangunahing imprastraktura tulad ng mga kalsada, drainage system, at pagkakaroon ng tubig at kuryente sa magiging komunidad.
Ngunit higit sa pisikal na estruktura, ang tunay na layunin ng proyekto ay ang pagbibigay ng bagong direksyon sa buhay ng mga dating rebelde—mula sa armas tungo sa araro, mula sa pakikidigma tungo sa pamumuhay na may kapayapaan.
Bukod sa pabahay, kabilang din sa mga natalakay sa workshop ang malalawak na plano para sa lalawigan gaya ng Palawan Provincial Development and Physical Framework Plan (PDPFP) 2024–2030, ang Peace and Order and Public Safety (POPS) Plan 2026–2028, at ang Local Development Investment Program (LDIP) at Annual Investment Program (AIP) para sa taong 2026.
Exit mobile version