Ibayong pagsisikap at implementasyon ng karampatang mga istratehiya ang ipatutupad ng Philippine Statistics Authority o PSA Palawan upang maabot nila ang kabuuang target na 895, 870 na mga digital national ID sa loob ng apat na taong implementasyon.
Ito ang ipinahayag ni Ms. Romelita Hernandez, focal person ng Phylsis Registration System ng PSA Palawan, sa panayam ng Palawan Daily News.
Ayon kay Hernandez, ang kabuuang target na nararapat na irehistro ay mayroon pang deficit na 69, 458, dulot na rin nitong nakalipas lamang na Hulyo 2021 pinasimulan ang naturang aktibidad, sa kabila ng paghihigpit sa safety protocols dulot ng pandemyang Covid 19.
Matatandaang kamakailan lamang ay nakatanggap ng memorandum ang pamunuang nasyunal ng PSA mula sa Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na kailangang sa pagtatapos ng taong 2022, mayroon nang kabuuang 50 milyong national identification cards ang nairelease para sa mga mamamayan ng bansa.
Bilang istratehiya ng Philippine Statistics Administration sa lalawigan, para sa step II registration ay bumuo ng 12 mga teams na siyang mangangasiwa para sa rehistrasyon. Ang limang teams ay patuloy na umiikot sa 66na mga barangay ng lungsod ng Puerto Princesa samantalang ang pitong teams ay nakatutok sa dalawampu’t tatlong mga munisipyo ng Palawan.
Nguni’t dulot na rin ng ilang mga isyu sa mga kagawaran at tanggapang siyang magbibigay suporta para sa katuparan ng programang nasyunal, katulad ng pagiging akma ng lahat ng Sistema ng Bangko Sentral ng Pilipinas na siyang mag- iimprenta ng mga ID at ang Philippine Postal Corporation na siyang magdedeliver ng mga ID sa mismong mga may-ari nito, ilang bagay ang kailangan munang isagawa bago matapos ang ikalawang taon, sa apat na taong programa na naturan. Ito ay ang pag iimprinta muna ng temporary alternative digital id na siyang ipamamahagi sa taumbayan upang magamit sa iba’t ibang transaksyon.
Sinabi ni Hernandez na nawa ay i-grab ng mga Palawenyo ang opportunity ngayong mga panahong ito dahil napakadali lamang ang pagkuha ng National ID. Kailangan lamang ang birth certificate at Barangay Certification upang makapagparehistro”.
Ngayong darating na Oktubre aabot sa 225, 760 ang kabuuang target na matapos, samantalang sa buwan ng Nobyembre ay aabot sa 185,920, at sa buwan ng Disyembre ay 159,360. Ang quota para sa workload na ipamamahagi ng PSA Palawan ay nasa 571, 040 na mga temporary alternative digital ID ngayong 2022.
Bukod dito mariing ipinaalala pa ni Hernandez “huwag lamamg iwawala ng sinumang napagparehistro na ang kanilang mga transaction slip, upang maging mas mabilis nilang mapasakamay ang kanilang mga temporary alternative digital ID, maaari itong pucturan para sa kasiguruhan ng kopya.”
Samantala, papalitan ng national ID ang lahat ng umiiral na identification cards na ibinigay ng gobyerno maliban sa mga pasaporte at lisensya sa pagmamaneho.
Bukod sa direktiba ng Pangulong Bong Bong Marcos, Jr., inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na tutulong ang PhilSys na dalhin ang mga programa sa susunod na antas sa pamamagitan ng pagbibigay ng verified database ng mga tatanggap ng national ID.
Ito ang malawak na responsibilidad ng maraming tanggapan ng gobyerno kung kaya’t kinakailangang palakasin pa ang Philippine Identification System (PhilSys) o ang national ID na makatutulong na mapabilis ang digitalization ng mga programa ng gobyerno.
Maliwanag na binanggit ng kalihim bilang halimbawa ang pagsisikap ng Bureau of Internal Revenue (BIR) upang matiyak ang epektibo at mahusay na pangongolekta ng buwis.