Patuloy ang striktong pagpapatupad ng minimum health standards ng Puerto Princesa City Incident Management Team (PPC IMT) lalo na sa mga Returning Overseas Filipino (ROF) upang hindi makapasok ang bagong COVID-19 variant na B117 ayon kay IMT Chief Dr. Dean Palanca.
“Actually nag-iingat din ‘yung city lalong lalo na dito sa ating mga returning overseas Filipinos na hindi na po sila nag 7+7 ngayon kung hindi naging 14 days na sila sa quarantine facility. ‘Yun ‘yung naging precaution na lang namin sa kanila,” ani Dr Palanca.
December 27, 2020, inanunsyo ng Provincial Government of Palawan ang mga gagawing hakbang at pagtitiyak ng lokal na gobyerno upang hindi makapasok ang bagong COVID-19 variant sa lalawigan ng Palawan.
“…meron akong naka-set na series of meeting para i-lock down ang Southern Palawan from other neighboring islands, maging ‘yan ay nanggaling sa bandang Sulu Sea o nanggaling sa Malaysian Island, pag-uusapan po namin ‘yan,” ayon kay Jeremias Alili ng Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office at Provincial IATF for COVID-19 Emergency Operation Manager.
Inilatag din nito ang mga aktibidad ng kanilang tanggapan upang ito ay maisakatuparan sa madaling panahon. Isa rito ang pagpapaigting sa pagbabantay sa mga border ng South Palawan at pakikipag-ugnayan ng mga mamamayan sa kanilang mga barangay at Municipal Health Officers, PDRRMO at IATF.
Ipinaliwanag din ni Health Secretary Francisco Duque III sa isinagawang virtual Press Briefing ng DOH kamakailan ang kasalukuyang impormasyong mayroon ang health sector ukol sa variant ng nasabing virus.
“Ang atin pong new variant ng Sars-Covid-2 na naitala sa United Kingdom ay sinasabing mas madaling maipasa or mas nakakahawa. Ayon sa mga pag-aaral sa loob ng mga laboratory, ang bagong mutation ay nakadadagdag sa kakayahan ng virus na makainfect ng human at animal cells.”
“Current evidence suggest 70% higher transmissibility o ika nga mas nakakahawa ito talaga ngunit wala pang indikasyon na ang virus na ito ay nagdudulot ng mas malubhang karamdaman o may implikasyon ito sa pagtalab ng mga bagong bakuna kontra covid,” pahayag ni Duque.
Samantala, patuloy na pakikipag-ugnayan ng LGU sa Puerto Princesa at Palawan upang masigurado ang pagsunod ng lahat sa ipinapatupad na health and safety protocols para maiwasan ang pagpasok at pagkalat ng bagong COVID-19 variant.