PPO, tiniyak na naipatutupad nang maayos ang mga checkpoint sa Palawan

Tiniyak ng Provincial Police Office (PPO) na maayos na naipatutupad ang mga checkpoint sa Palawan katuwang ang ibang ahensiya ng gobyerno simula nang umiral ang ECQ hanggang ngayong pinalawig pa ang implementasyon ng General Community Quarantine (GCQ) sa lalawigan.

Ito ang pahayag ng tagapagsalita ng PPO na si PCapt. Ric Ramos sa panayam ng Palawan Daily News nang tanungin sa status ng mga checkpoints ukol sa ilang buwan na ring umiiral na community quarantine sa probinsiya, gaya ng iba pang probinsiya sa Rehiyon ng Mimaropa at sa bansa.

“Maayos po ang ating buong Palawan. Ngayon, nasa General Community Quarantine pa [tayo], may mga guidelines na sinusunod, especially sa mga local stranded na individuals, ‘yung mga returning OFWs, may [iba pang] mga ganyang guidelines…and sinusunod po natin yaan at talagang nagtse-check po ‘yung ating mga kapulisan doon sa mga controlled points po natin,” ani PCapt. Ramos.

Katuwang ng PNP sa pagpapatupad ng checkpoint sa mga estratehikong lugar sa bawat munisipyo sa lalawigan ang mga opisyales ng barangay, Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ang mga kawani ng RHU, Bureau of Fire Protection, traffic management, at iba pang mga volunteers.

Binanggit din ng spokesperson ng Palawan PPO na malaki rin ang naitutulong ng mga nakatalagang checkpoint sa bawat munisipyo upang madakip ang ilang nagtatago sa batas at masugpo ang iba pang krimen.

“…[K]ung mapapansin po ninyo, ang dami nating arrest of wanted persons sapagkat sila rin ay hindi lumalabas. So, matatagpuan sila sa kani-kanilang mga bahay, that’s why…talagang may mga accomplishments po tayo when it comes to arrest of wanted persons and also, may iilang pumapasok na insidente, may vehicular accidents, ‘yung mga usually na nari-record natin,” dagdag pa ng tagapagsalita ng Palawan PNP.

Sa nakalipas na ilang buwan umano ay marami na ang nasampahan ng kaso at mga naresolba na habang ang ilan ay handa nang ihain sa piskalya; ngunit kung susumahin umano ay mas mataas pa rin ang percentage ng nairesolba sa mga ifa-file pa lamang na reklamo.

Ang ilan umano sa kanilang mga naitala ay “Direct assaults” na paglabag sa Article 148 at “Resistance and Disobedience to a Person in Authority” ng Article 151 at pawang nakapaloob sa Revised Penal Code, RA 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act” at iba pang mga ipinatutupad na kaugnay na mga batas at polisiya.

Pinapuruhan din ng Palawan PPO ang kanilang mga nasasakupan na sa gitna ng hamong dulot ng State of Public Health Emergency na bunsod ng COVID-19 pandemic ay 24/7 ngayong naka-duty at pinagpaliban pa ang pagli-leave mula sa trabaho.

“Yung Provincial Director po natin, laging kino-commend ‘yung mga PNP natin na 24/7 po nasa area sapagkat wala pong leave, lahat po ‘yan ay naka-duty. ‘Yan po ay collected effort ng ating mga LGUs, especially, naandiyan po lagi ‘yung mga barangay na katuwang natin, especially ‘yung mga force multipliers po natin,” ani PCapt. Ramos.

Exit mobile version