PTF ELCAC, nagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa insidente sa San Vicente

Tiniyak ng Palawan Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF ELCAC) na nagsasagawa sila ng hiwalay na validation at imbestigasyon sa naganap na insidente sa Bayan ng San Vicente noong ika-20 ng Mayo at nangakong maglalabas agad ng pahayag kapag natapos ito.

Ito ang bahagi ng laman ng inilabas na press release ng PTF ELCAC kahapon, Mayo 21, bilang tugon sa ulat na pananambang sa ilang miyembro ng pulisya sa nabanggit na munisipyo.

Ngunit taliwas sa unang ulat ng PNP, ang terminolohiyang ginamit ng task force ay “shooting incident” at hindi “Ambush.”

“PTF ELCAC received initial report from San Vicente Municipal Police Station that on or about 8:30 in the evening of May 20, 2020, an alleged ‘shooting incident’ occurred at Sitio Itabiak, Brgy New Agutaya, San Vicente, Palawan,” ayon sa press release.

Matatandaang nagtamo ng minor injury ang isang miyembro ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force (PMFC) na si Patrolman Jayson Javares Catanduanes dahil sa insidente.

Samantala, muling nagbigay katiyakan ang task force na lagi itong handa sa pagbibigay ng mga kinakailangang assistance upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng bawat mamamayang Palawenyo sa kabila ng pagiging abala sa pagtugon sa COVID-19 crisis.

Exit mobile version