Punong Barangay Assembly 2022, dinaluhan ng mga punong barangay sa lalawigan ng Palawan

Photo Credits to PIO Palawan

Nagtipon-tipon ang lahat ng mga punong barangay mula sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan ng Palawan para sa ginanap na “Punong Barangay’s Assembly 2022” sa pangunguna ni Board Member Ferdinand P. Zaballa na siyang pangulo ng liga ng mga Barangay-Palawan Chapter.

 

Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa VJR Hall ng kapitolyo nitong nakalipas na Nobyembre 25, 2022.

 

Ayon sa bokal, pangunahing layunin ng aktibidad na matalakay at pagtugmain ang mga Barangay Development Plan at Provincial Development Plan na bunga ng matagumpay na “Usapang Palawan Summit” para sa lalong ikauunlad ng bawat barangay sa lalawigan.

 

“Ang pinakaimportante na pag-uusapan namin ay ang harmonization ng Provincial Development Plan sa plano ng barangay, kasi nagkaroon tayo ng Usapang Palawan and then nabalangkas natin ‘yong mga bagay bagay na dapat ipa-implement sa bara-barangay. Kami naman sa barangay, gagawa kami ng program na naka-harmonize sa programa ng probinsiya kaya nagkakaroon tayo ng ganitong pagtitipon kasama ang mga punong barangay natin,” ani BM Zaballa.

 

Naging sentro din ng talakayan ang “Philippine National Police – KApulisan, SIMbahan, pamaYANan” (PNP KASIMBAYANAN) kung saan tinalakay dito ang papel na dapat gampanan ng bawat punong barangay sa pagpapanatili ng kaligtasan sa kanilang mga lugar katuwang ang mga kapulisan. Ito ay tinalakay nina PMaj. Ric A. Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office (Palawan PPO) kasama si Ptr. Christopher Magpuyo bilang kinatawan naman ng mga faith-based organization sa Palawan.

 

Ayon pa sa bokal, nararapat lamang na malaman at pagtuunan ng pansin ang naturang programa ng kapulisan dahil naniniwala ito na malaki ang maitutulong nito para sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bawat barangay.

 

“May mga programa tayo na dapat malaman nila, unang-una ang PNP KASIMBAYANAN, nakapagpasa ako ng ordinansa na maglalagay dapat ang lahat ng mga barangay ng isang focal person para dito [KASIMBAYANAN], kasi alam ko ang programang ito, makatutulong ito sa ating mga barangay patungkol sa peace and order. Nakita naman natin na mayroong mga faith based organizations and then, katulong ang mga pulis sa barangay. So alam ko, malaking tulong ito, at the same time pinag-uusapan din namin ang budget namin for next year,” dagdag ni BM Zaballa.

 

Nagkaroon din ng open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga PB na makapaglahad ng mga katanungan ukol sa mga topikong tinalakay gayundin upang makakuha ng karagdagang rekomendasyon kung papaano mapapanatiling ligtas ang kanilang nasasakupan.

 

Samantala, lubos naman ang naging pasasalamat ng mga partisipante sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates at sa Liga ng mga Barangay sa makabuluhang pagtitipon na inihanda para sa kanila.

 

“Ito ay napakalaking bagay para sa amin, dahil ito ay nakapagbibigay ng karagdagang kaalaman sa amin bilang punong barangay para maipatupad namin sa aming barangay. So, kami po mula sa bayan ng Brookes Point, lubos po kaming nagpapasalamat sa Provincial Government sa pamumuno ni Gob. Socrates sa mga programang ipinapaabot sa amin dahil sa pamamagitan nito ay marami kaming natututunan,” ani PB Federico V. Daguat ng Brgy. Samariñana.

 

Ang aktibidad ay personal na dinaluhan ni Bise Gob. Leoncio N. Ola kasama sina Board Members Winston G. Arzaga, Ariston D. Arzaga, Ryan D. Maminta, Rafael V. Ortega, Jr., Juan Antonio E. Alvarez at Marivic H. Roxas. Dumalo rin sina PLtCol.. Emerson E. Tarac bilang kinatawan ni PCol. Adonis Guzman ng Palawan PPO kasama si PMAJ. Baby Jane Comosa, Chief, Women and Children Protection Desk (WCPD).

Exit mobile version