Recall petition, karapatan ng mamamayan – GDS

Iginiit ng Gerandy Danao Supporters o GDS na constitutional rights o karapatan nila bilang mamamayan ang paghain ng recall petition kaugnay sa ilang namumuno sa bayan ng Nara, Palawan.

Sa isinagawang press conference kanina binanggit ni Henry Benavente tagapagsalita ng grupo, bahagi umano ng kanilang karapatan sa ilalim ng saligang batas na palitan ang ilang namumuno sa bayan sa gitna ng pamumulitika ng mga ito.

“Karapatan po natin na gawin ito sa mga taong nakaluklok na wala ng pakinabang kundi ang mamulitika- kaya patuloy ang aming pagsulong sa recall petition na ito dahil wala kaming pagkakamali, wala kaming ginagawang masama-hindi po kami nangangamba kaya kung ano man po ang pina-parequired sa amin ng COMELEC kami po ay susunod,”  pahayag ni Henry Benavente.

Siniguro rin ng grupo na sumusunod sila sa alituntunin ng Inter-Agency Task Force o IATF kabilang na ang ipinapatupad nitong health protocol .

“Alam naman po natin na lahat ng ahensya ng gobyernong ito ay nasa ilalim ng Inter-Agency Task Force National kung kaya’t kami po ay sumusunod lalo na sa health protocol-samantalang sila kapag nagpulong-pulong sa mga barangay wala na facemask wala ring social distancing,” dagdag pahayag ni Benavente.

Naglabas din ng kanyang hinaing ang dating Barangay Kagawad ng Dumagueña, Narrra, Palawan na si Jun Buaga, hindi umano naisip ng ilang opisyal ang negatibong epekto ng pagkakasuspindi sa dating Alkalde.

“ Hindi nila naiisip ang pagkasuspindi ni Mayor damay ang mga mamamayan ng Narra, kasi tayong mga mamamayang Narra ginawa natin ang paraan para iluklok siya bilang mayor. Hindi naman natin kinakalaban ang mga nakaraang administrasyon. Nagkataon lang naawa na tayo sa kanila kaya pinalitan na natin, biruin mo 33 years na nasa serbisyo-syempre dahil pagod na rin ‘yan sila gusto man nila mag serbisyo pa tayo na lang ang naawa sa kanila kaya pinalitan natin,” pahayag ni Buaga.

Samantala sa ngayon ay mayroon ng mahigit pitong libo na ang nakolektang pirma ang Gerandy Danao Supporters para sa recall petition kay Narra acting Mayor Crispin O. Lumba Jr. na nanalo bilang vice mayor at mga Sangguniang Bayan Member na sina Clarito D. Demaala IV, Janet G. Nabua, Arnold V. Verano, Cenon P. Garcia, Francisco T. Atchera Jr., Amelia G. Gimpaya at Christine Joy Mahilum.

Exit mobile version