Matagumpay na inilunsad ang “RMB Caravan” sa Brgy. Bagong Pag-asa noong Sabado, Hunyo 8, isang programang isinulong at kinonsepto ni Konsehala Judith Raine Bayron na layuning magdala ng pagsasanay para sa pagpapalago ng pamumuhay at pagiging produktibong mamamayan ng Puerto Princesa.
Tampok sa aktibidad ang “Basic Life Support” kung saan nagkaroon ng “Hands Only CPR and Foreign Body Airway Obstruction Orientation” mula sa City Health Office. Itinuro ang mga pamamaraan sa pagsasagawa ng pangunang lunas sa oras ng emergency. Pagsusumikap ito ni Konsehala Bayron na matutunan ng bawat pamilya ang ‘life saving’ o pagsasalba ng buhay.
Nagkaloob din ang Local Economic Development and Investment Promotions Office (LEDIPO) ng “Basic Livelihood Program” kung saan sinanay ang mga kalahok sa paggawa ng dishwashing liquid at fabric conditioner para sa mga nagnanais magsimula ng maliit na negosyo.
“Malaki po ang pasasalamat namin sa inyo Konsehala Bayron sa ganitong mga aktibidad dahil nagkaroon kami ng ideya kung paano rin kami makakatulong sa aming mga nasasakupan. Importante rin sa amin ang Basic Life Support dahil kami mismo ang daan para makapagligtas ng buhay ng mahal namin sa buhay,” sabi ni Punong Barangay Leny Nicolas ng Bagong Pag-asa.
Patuloy ang RMB Caravan sa lahat ng barangay sa siyudad at sisiguraduhing magiging katuwang ang opisina ni Konsehala Judith Raine Bayron sa pag-angat ng antas ng pamumuhay ng bawat pamilya. Ayon kay Konsehala Bayron, “masaya ako na nakikitang masaya kayo sa mga training na ginawa ninyo dahil alam kong malaking tulong ito para sa inyo. Yung Basic Life Support, pangarap natin na bawat pamilya ay may marunong na rescuer dahil naranasan ko rin ito sa pamilya namin. Sana ang mga natutunang maliliit na negosyo ay maging daan para kumita kayo, maliit man ngayon pero maaaring lumago pagdating ng panahon.”