Roxas MPS, nagpaalaala sa kanilang personnel na maghanda 24/7 kontra Covid-19

Nagsagawa ang pamunuan ng Roxas Municipal Police Station (MPS) ng “Police Information and Continuing Education (PICE)” sa lahat ng available nilang personnel kaugnay sa LOI 35/10 “Saklolo Revised” o ang PNP Disaster Risk Reduction and Management Plan.

Pinangunahan ito ni PMaj. Analyn Palma kaninang umaga na kung saan, kanyang inatasan ang kanyang mga nasasakupan na maging alerto 24/7, lalong-lalo na ang quick response teams (QRTs) upang rumesponde at mag-assist sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH) at sa iba pang kaukulang mga ahensiya sa pagtugon sa Covid-19 virus pandemic sa kanilang area of responsibility (AOR).

Muli ring ipinaalaala ni PMaj. Palma ang mahigpit na pagpapatupad ng EO 922 (General Community Quarantine), social distancing, at mandatory na pagsusuot ng facemask.

Pagkatapos nito ay nagsagawa rin ng dialogue ang PNP Roxas sa mga kustomer ng mga kalapit na pawnshops at ipinaalaala sa kanila na iobserba ang physical distancing, ang mandatory na pagsusuot ng facemask, at kung sila ay may anak na 20 taong gulang pababa ay huwag nilang hayaang lumabas ng tahanan. Kaalinsabay din nito ay ang pagtalakay sa mga mahahalagang probisyon ng ng RA 8353 (Anti-Rape Law of 1997), RA 9262 (Anti-Violence against Women and their Children Act of 2004), RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) at namigay ng flyers.

Noong Mayo 2 naman, araw ng Sabado ay binisita at nakipagdayalogo rin ang pulisya sa mga personnel ng Roxas Public Market at hiniling sa kanila na panatilihin ang public order and security sa kanilang lugar, at pinaalalahanan din ukol sa crowd control sa pamamagitan ng istriktong pagpapatupad ng social distancing at pagsusuot ng facemask. Ipinaliwanag din sa kanila ang mga nilalaman ng RA 8353, RA 9262, RA 7610 at binigyan din sila ng flyers.

Kaugnay nito, habang umiiral ang GCQ sa buong lalawigan, nagpapatuloy ang pagsasagawa ng 24/7 na PNP/Medical checkpoint ng Roxas PNP, katuwang ang Brgy, Tinitian, sa pangunguna ni Kapt. Andrew Golifardo, Rural Health Unit (RHU), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP) personnel, Bantay Roxas, ang mga tauhan ng Roxas Traffic Management at iba pang volunteer.

Exit mobile version