Nagkaroon ng mahalagang talakayan ang Sangguniang Panlalawigan ng Palawan sa naganap na regular session ngayong araw ng Martes, Mayo 16, kaugnay sa patuloy na problemang brownout na kalimitang nangyayari sa buong probinsya.
Ang nasabing pagpupulong ay naglalayong hanapan ng mga solusyon ang naturang problema upang mapabuti ang kalagayan ng kuryente sa Palawan.
Ayon sa mga mambabatas, ang pagkakaroon ng mga brownout ay hindi lamang nakakapagdulot ng abala sa mga residente ng Palawan, kundi nakakaimpluwensya rin sa negosyo at turismo sa lugar.
Marami sa mga turista ang nagsisipaglibot sa mga isla ng Palawan para makaranas ng magandang tanawin at kultura ngunit dahil sa mga brownout, hindi nila maenjoy ang kanilang pagbisita.
“Ang bayan ng El Nido, hindi lang weekend ang rotational load shedding ang ginagawa ng PALECO kundi araw-araw. Nakakalungkot kasi tinaguriang pinakamagandang destinasyon sa buong mundo ang El Nido pero may problema tayo doon sa kuryente. Kaya nais ko pong ipatawag dito ang mga responsableng ahensya dito sa Sangguniang Panlalawigan para bigyan tayo ng update at ano ba talaga ang nangyayari sa bayan ng El Nido,” ani Board Member Juan Antonio Alvarez.
“It’s a persistent occurence na ang brownout sa El Nido at hindi na ito katanggap-tanggap bilang isang tourism destination na madi-discourage ‘yung mga turista na dumarating,” dagdag naman ni Board Member Nieves Rosento.
Upang matugunan ang mga nasabing problema, nagkasundo ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan na ipatawag ang mga representante o opisyal ng mga ahensyang may kinalaman sa pagbibigay ng enerhiya sa probinsya kagaya ng PALECO, IPPs, at NAPOCOR upang malaman kung ano ang nagiging sanhi ng kalimitang pagkawala ng kuryente at matulungan ang mga ito na masolusyunan ang suliranin.
Pinagiisipan din ng mga mambabatas na pag aralan ang pagbubukas o paggamit ng mga renewable energy na maaring makatulong sa kinakaharap na problema sa kuryente ng Palawan.
Sa pamamagitan ng mga pagpupulong at konsultasyon tulad ng nasabing talakayan, umaasa ang Sangguniang Panlalawigan ng Palawan na mas mapapabilis ang paglutas sa mga problemang may kaugnayan sa kuryente sa kanilang probinsya.
Hinahangad ng mga mambabatas na magbigay ng maginhawang buhay at pangkabuhayan sa kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng maayos na supply ng kuryente.