Isang simpleng seremonya ang idaraos ng lokal na pamahalaan ng Cuyo kaugnay ng pagdiriwang ng kapistahan at pagkilala sa kanilang Patron San Agustin sa ika-28 ng Agosto.
“Magpapamisa po ang musipyo at magkakaroon siguro ng prusisyon pagkatapos pero kailangan pa ring pong sundin ang social distancing,” pahayag ni Mayor Macoy Delos Reyes ng Cuyo sa panayam ng Palawan Daily News.
Malungkot man umano ay kailangang sundin ng lokal na pamahalaan ang batas o ang Presidential Proclamation 929 na naglalayong paigtingin ang pag-iingat para hindi na kumalat ang Covid-19. Isa sa mga pamamaraan para maiwasan ang pagkalat ng virus ay ang pagbabawal ng mga mass gathering at malalaking selebrasyon katulad na lamang ng pagdiriwang ng mga kapistahan.
Ayon sa alkalde nauunawaan naman umano nila na dapat unahin ang kaligatasan ng bawat isa.
“Alam kong inaabangan ng mga Cuyonon, ng mga Palaweño itong Purongitan Festival natin dito sa Cuyo pero sa ngayon mas importante ang kaligtasan ng bawat isa,” dagdag pa ni Mayor Delos Reyes.
Ang Purongitan Festival ay isang engrandeng kapistahan sa bayan ng Cuyo na ginaganap tuwing ika-28 ng Agosto taun-taon. Isa sa mga inaabangan sa pistang ito ay ang ati-ati na may pagkakahawig sa kapistahang isinasagawa sa Iloilo.
Ang “Purongitan” ay salitang Cuyonon na ang ibig sabihin ay pagpahid ng uling sa katawan.