PUERTO PRINCESA CITY — Dinaluhan ng 16 na Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson mula sa iba’t-ibang munisipyo sa Palawan ang pagsasanay sa pagbuo ng ‘youth development plan’ para sa kani-kanilang mga munisipyo na magtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan partikular sa pangkalusugang aspeto.
Ang pagsasanay na may titulong “LGU in the Frontline: A Call for Youth Involvement and Participation” ay isinagawa kamakailan sa isang resort sa Lungsod ng Puerto Princesa sa pangunguna ng isang Non-Government Organization (NGO) na The Forum for Family Planning and Development (The FFPD) Inc. katuwang ang Provincial Health Office (PHO) at ilan pang NGO sa lalawigan.
Ilan sa mga Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson sa Palawan na dumalo sa pagsasanay sa pagbuo ng ‘youth development plan’ para sa kani-kanilang mga munisipyo.
(Larawan mula sa Palawan PIO)
Ayon sa pamunuan ng The Forum, layon ng gawaing ito na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga opisyales ng SK sa Palawan sa pagbuo ng kanilang plano lalo’t higit sa usaping pangkalusugan.
Inilatag ng The Forum sa mga SK ang kasalukuyang estado ng lalawigan sa aspeto ng kalusugang-pangreproduktibo (reproductive health) lalo’t higit ang usaping angkop para sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon katulad ng teenage pregnancy, maternal health, Human Immuno Virus (HIV) maging ang Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
Sa pamamagitan nito ay magagabayan ang mga SK na mailagay sa tama ang mga planong bubuuhin para sa kapakanan ng mga kabataang kanilang nasasakupan.
Ilan sa mga naging tagapagsalita sa pagsasanay sina Dr. Mary Ann H. Navarro, officer-in- charge ng PHO, na tumalakay sa reproductive health situation ng lalawigan; Dr. Louie Ocampo, Country Director ng United Nations (UN) Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) sa bansa at tinatakay naman nito ang tungkol sa sitwasyon ng HIV-AIDS.
Tinalakay rin sa naturang aktibidad ang paksa sa pagpapatupad ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) o RPRH Law at ang mga isinasakatuparang mga programa sa ilalim ng naturang batas.
Pinangunahan naman ni Provincial SK Federation President Anyatika Rodriguez ang kanyang kapwa SK Chairperson sa pagsasanay. (OCJ/PIA-MIMAROPA, Palawan)