Naging emosyonal ang pamilya, mga katrabaho, PDRRMO, mga kaibigan at maging ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan sa isinagawang ‘tribute’ para kay Nurse Algerome Bernardo, ang nasawing medical frontliner kamakailan na ginanap kanina sa VJR Hall sa gusaling kapitolyo.
Itoy matapos na pagbabarilin kamakailan ang ambulansya ng Rescue 165 na kanilang sinasakyan sa bayan ng Roxas nitong Agosto 1 taong kasalukuyan.
Nag-alay ng banal na misa ang Pamahalaang Panlalawigan at naghandog din ng kani-kanilang mensahe ang mga naging katrabaho at kasamahan ni Nurse Al.
Mismo si Gobernador Jose Ch. Alvarez hindi napigilan na maging emosyonal sa pagbibigay ng kanyang mensahe sa yumaong medical frontliner at maging sa pamilya nito.
“Inalay niya ang kanyang buhay, saludo kami lahat sayo [Nurse Al]… Ngayong panahon ng pandemya, tumutulong tayo, alam ko nakokonsensya yung mga gumawa ngunit hinding-hindi natin ito matatanggap na tayong gumagawa ng mabuti sa kapwa, ito pa ang kapalit…” Ani ng Gobernador
Nangako rin ang gobernador na magbibigay ng tulong sa mga naulilang pamilya ni Nurse Al.
“Ipapangako ko sa inyo, wag kayo mag-alala, sa pag-aaral ng mga anak ni Nurse Al, gagawa ako ng trust fund para sa mga anak niyo hanggang sa makatapos sila… Papagawa rin ako ng sulat sa Sangguniang Panlalawigan na kilalanin hindi lamang isang bayani, kung hindi because of his exemplary service ay kailangan natin mabigyan ng gantimpala o mabigyan ng katarungan yung kanyang pagpanaw in service of the poor,”
Samantala patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para tuluyan ng mabigyan ng hustisya ang ginawang pamamaril sa ambulansya ng Rescue 165 na ikinasawi ni Nurse Al.
Kung matatandaan kamakailan din ay nauna na ring binigyang pagkilala ng Sangguniang Panlalawigan sina Nurse Al at ang iba pang kasamahan nito nang maganap ang insidente.