Vice Gov. Socrates: GCQ, hindi nangangahulugan na liberation o kalayaan

Halos walang pagbabago ang enhanced community quarantine (ECQ) sa general community quarantine (GCQ) na ipatutupad sa lalawigan ng Palawan simula May 1, matapos mapabilang ang probinsya sa mga lugar na na-downgrade ang quarantine level matapos makapagtala lamang ng mababang kaso ng nag-positibo sa sakit na COVID-19.

Ito ang binigyang-diin ni Vice Governor Dennis Socrates matapos ang isinagawang pagpupulong ng Provincial Inter-Agency Task Force for COVID-19 kung saan inilatag ang ipatutupad na guidelines para sa pagpapatupad ng CGQ sa lalawigan.

Paliwanag ng bise gobernador, nakadepende lamang sila sa guidelines mula sa national government kung saan kailangan paring maipatupad ng mahigpit ang mga panuntunang ito.

“I’m sorry to disappoint all our expectations. ‘Yung GCQ, hindi masyadong malaki ‘yung ipinagkaiba sa ECQ in terms of restrictions. Merong mga sektor na niluwagan para hindi mamatay ‘yung ating ekonomiya, pero basically ay mataas parin ‘yung level ng pag-iingat natin sapagkat ang pinipigalan ay ‘yung pagkalat ng COVID-19,” ani Socrates.

Ibig lang anyang sabihin, sa ilalim ng GCQ, hindi parin papayagan ang inter-municipal travel hangga’t walang ibinababang bagong kautusan ang national government.

“As far as travel is concern, more or less, for most of us, same restrictions will be there. Walang inter-municipal travel, mga APOR lang ‘yung pwedeng lumabas at saka ‘yung workers in certain industries or occupations. Kung tutuosin, yung mga na-stranded na estudyante ay parang wala pa ring pagbabago sa kanilang status,” paliwanag ng opisyal.

Lahat naman anya ng bagay ay kanilang ikino-konsidera sa provincial level subalit may mga bagay na hindi maaaring pangunahan ng lokal na pamahalaan ang nasyunal dahil mula’t sapul anya ay ito naman ang nagde-desisyon sa usapin ng COVID-19 at sumusunod lamang ang mga LGU.

“Tayo ay restricted ng national guidelines, halos ang papel ng LGU ay ipatupad lamang ‘yung napagkasunduan o mga desisyon nung pamahalaang nasyunal sapagkat ‘yung response sa COVID-19 crisis has been from the beginning ay centralized from the national governmest so sumunsunod lamang tayo,” paglilinaw ni Socrates.

“Ang inaasahan natin, ‘yung mga concerns na ito na alam natin ay palaging maselan dahil mayroong naapektuhan, may hindi masaya bagamat lahat ito ay para sa pagpigil ng COVID-19,” dagdag ng bise gobernador.

Inanunsyo din ni Vice Governor Socrates na kahit walang inter-municipal travel ay papayagan nang makabiyahe ang ilang pampublikong sasakyan pero kailangang mapanatili at masunod ang social distancing.

Base anya sa kanilang napag-usapan sa pulong, 50 percent lang ng sitting capacity ang papayagang maisakay sa isang sasakyan.

Gayunpaman, hindi naman anya napag-usapan ang posibleng pagtaas ng pamasahae kung kalahati lamang ang bilang ng mga pasaherong maisasakay sa isang pampublikong sasakyan.

“Actually hindi napag-usapan, hindi tayo inabot doon [pamsahe] pero nakita ko rin ‘yun, di ko lang na-raise what will happen since 50% lang ‘yung sasakay. Apparently, silent pa doon ‘yung national guidelines, so I don’t know how the legal experts will resolve it. Hopefully, Makita rin nila ‘yung isyu na ‘yun,” paliwanag ni Socrates.

Nilinaw din ni Vice Governor Socrates na ang final guidelines na kanilang napag-usapan sa Provincial IATF for COVID-19 ay dadaan pa sa legal expert’s ng provincial government kasama na ang PDRRMO at PHO.

“Sana ay maunawaan natin, matanggap natin at gawin natin at sundin ang nararapat para mapanatiling mapayapa, malusog ang ating mamamayan. ‘Yung actual guidelines will be refined by our legal experts in coordination with the DILG and with the PDRRMO and MHO,” giit ng opisyal.

Sa ngayon anya, pinakamaganda parin ang sumunod na lamang upang mapabilis ang pagbalik sa normal na pamumuhay ang lahat.

Muli ay binigyang-diin nito na ang GCQ ay hindi ibig sabihin na magagawa na uli natin ang gusto natin sa labas ng ating mga tahanan bagkus ay may mga limitasyon parin ito at ginawa lamang ng national government sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19 positive tulad ng Palawan upang unti-unti nang makabangon mula sa krisis at maiwasang tuluyang bumagsak ang ekonomiya sa isang lugar.

“We are hoping that the rules will gradually evolve into making it more and more win-win situation for everyone. Pero sa ngayon, tingin ko ang message, sakripisyo parin tayong lahat. Maintain parin ‘yung, halos maintain parin ‘yung the same level of care, social distancing, wala parin tayong religious activities, wala paring gatherings, wala paring inter-municipal travel,” sabi ni Socrates.

“Huwag muna tayong maging excited, hindi ito parang liberation, hindi ito parang bigla tayong pinalaya sa ating kalagayan. Sa ngayon at even beyond until May 1, tayo ay nalalagay pa rin sa panganib at mataas pa rin na level ng pag-iingat ang hinahanap sa atin, which means malaki pa rin ang ating sakripisyo, so, hindi pa rin natatapos ang ating kalbaryo. Sana ay maunawaan natin, matanggap natin,” panawagan ng bise gobernador sa sambayanang Palaweño.

Exit mobile version