Mariing pinuna ni Narra Vice Mayor-elect Jojo Gastanes ang Liga ng mga Barangay matapos nitong maglabas ng condemnation statement na, ayon sa kaniya, ay nakatuon lamang sa pansariling interes at hindi nakatutugon sa tunay na suliranin ng bansa.
Sa isang panayam, tahasang sinabi ni Gastanes na tila nawawala sa tamang konteksto ang ginawang pahayag ng Liga, at tinawag niya itong “exaggerated” at “self-serving.” Bagamat hindi binanggit ni Gastanes ang tiyak na nilalaman ng nasabing pahayag, malinaw sa kaniyang tono ang pagkadismaya sa patuloy na pagbatikos na aniya’y wala na sa lugar.
“Napakaraming problema ang bansa na mas karapat-dapat kondenahin,” ani Gastanes. “Ang ganitong mga pahayag ay tila mas nakatuon sa pansariling interes kaysa sa kapakanan ng taumbayan. Mag-move on na tayo.”
Hindi pa nagbibigay ng pormal na tugon ang Liga ng mga Barangay sa mga pahayag ni Gastanes.
Para kay Gastanes, hindi ito ang panahong para sa hidwaan, lalo na’t nalalapit na ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.
“Imbes na puro batikos, ang dapat nilang pagtuunan ay ang paghahanda para sa eleksyon. Iyon ang may direktang epekto sa komunidad, hindi ang mga walang kwentang isyu,” dagdag pa niya.