Hindi umano hinarass ng Chinese Coast Guard ang isang mangingisda sa Pag-asa island kahapon, Enero 26, 2021.
Ayon kay Mayor Roberto Del Mundo ng Kalayaan, napanood na niya ang video, at para sa kanya, hindi naman talaga hinarass ang mangingisda.
“Nakita ko na rin po sa video na ipinalabas, yung kanya po na pahayag [mangingisda] ay medyo hindi naman clear ‘yon. Kasi hindi naman sila hina-harass diyan. Eh matagal na ang kalakaran diyan yung mga mangingisda, kapag pumunta ka doon sa sandbar talaga automatic itataboy ka ng mga Chinese Coastguard doon, kasi pupuntahan ka lang nila niyan tapos parang bubugawin lang hindi naman yung binubugaw na ini-sprayan ng mga tubig wala naman. Siyempre alam mo naman doon yung kalakaran, eh umiwas ka nalang.”
Dagdag pa ng Alkalde na matagal nang nangingisda ang mga residente sa lugar ngunit nagbago umano ang lahat simula nang pumasok ang bansang China.
“Dati po ay talagang pangisdaan ng aming mga mamayan diyan sa lugar na iyan yung wala pa yang Sovereign [China] diyan, at dati nakalubog pa yung sandbar diyan eh siyempre po ngayon na developed na nila yung Sovereign kaya dumami na po yung mga Chinese vessel diyan, Chinese Coast Guard laging nandiyan. Kaya medyo nag-aalangan na rin yung mga mamamayan namin na mangisda sa lugar na yan kasi diyan lang naman po yung maraming isda. ”
Ayon naman sa tagapagsalita ng Western Command (WESCOM) na si Lt. Col. Stephen Penetrante, wala umanong nai-report sa kanilang tanggapan matapos mangyari ang insidente ng pananaboy umano sa isang mangingisda sa Pag-asa Island.
“Wala po nai-report na incident ng harassment of fisherman doon sa sandbar na iyan, sa palagay po natin yung nabiktima po allegedly [mangingisda] siguro po ay nakalimutan niya na i-report yung incident doon sa detachment natin sa Pag-asa Island. Kaya as of the moment po yung atin Naval Forces West (NFW) are conducting verification from other sources sa mga banks surrounding the incident.
Samantala paalala naman ng mga awtoridad na kapag may mga ganitong insidente ng pangha-harass or presensiya ng mga dayuhan ay agad ipagbigay alam sakanilang tanggapan.