Wanted person ng Lalawigan ng Bohol, nadakip sa Bayan ng El Nido

Matapos ang ilang buwang pagtatago sa batas, kahapon ay napasakamay ng pulisya sa Lalawigan ng Palawan ang isang wanted person ng Probinsiya ng Bohol.

Kinilala ang suspek na si Seto Fuentes Bajamonde, 45 taong gulang, walang asawa, Project Manager ng Mega VPS Security Agency at residente ng Brgy. Canjolaw, Jagna, Bohol.

Sa spot report mula sa Palawan PPO, nakasaad na inaresto ang suspek dakong 1:00 PM kahapon sa Brgy. Villa Libertad, El Nido ng pinagsanib na pwersa ng El Nido MPS, PIU Palawan PPO at RSCG-PRO MIMAROPA sa bisa ng Warrant of Arrest na ibinaba ni Judge Samuel A. Biliran ng RTC Branch 50 ng Loay, Bohol noon pang Mayo 5, 2020.

Ang pagdakip sa nasabing indibidwal ay dahil sa kinakaharap niyang ten counts ng kasong cyberlibel sa ilalim ng Criminal Case Nos. 3636-3640 at Criminal Case Nos. 3741-3745 na may petsang June 5, 2020 na kung saan ay may inirekomendang P60,000 piyansa  sa bawat isang kaso para sa pansamantala niyang kalayaan.

Sa kasalukuyan ay nasa kostudiya ng  El Nido MPS ang suspek at nakatakdang ipresenta sa issuing court para sa tamang disposisyon.

Exit mobile version