Young leaders at advisers, binigyan pagkilala at pasasalamat ng CYDO

Binigyang pgkilala at pasasalamat ang mga Young Leader at Advisers, kung saan tumanggap ng award ang mga ito sa isang aktibidad na isinagawa ng City Youth Development Office (CYDO) sa ilalim ng tanggapan ni Punong Lungsod Lucilo R. Bayron, noong ika-8 ng Hunyo 2024 sa Edward S. Hagedorn Coliseum.
Nagawaran ng medalya ng pagkilala ang 472 young leaders mula sa 116 youth organizations sa 30 paaralan, unibersidad, kolehiyo, at pribadong organisasyon sa lungsod. Kasama rin sa mga pinarangalan ang 140 advisers ng mga organisasyong pangkabataan na binigyan ng sertipiko ng pagkilala.
Nagbigay naman ng mensahe si SK Federation President Karl Dylan N. Aquino, na tatlong beses naging Student Government Leader sa kanyang unibersidad.
Ibinahagi nito ang naging karanasan bilang isang young leader na pinagsasabay ang pag-aaral at paglilingkod sa kapwa estudyante. Aniya, ang pagiging young leader ay isang magandang karanasan na puno ng responsibilidad at mga aral. Binanggit niya na posibleng sa mga young leaders na ito manggaling ang mga susunod na opisyales at mamumuno sa Pamahalaang Lungsod.
Samantala, pasasalamat ang naging mensahe ni City Youth Development Officer Ralph Richard Asuncion. Aniya, mapalad ang mga young leaders ngayon dahil nabibigyan sila ng mga oportunidad upang matuto at mapaunlad ang kanilang talento at kakayahan sa pamumuno. Hinamon niya ang mga kabataan na pagbutihin pa ang kanilang sarili, maging mabuting halimbawa, at maging responsableng lider at mamamayan ng Puerto Princesa.
Pinuri rin niya ang mga masisipag na advisers ng mga organisasyon sa kanilang mahalagang papel sa paghubog ng magandang kinabukasan para sa mga kabataan.
Nagpasalamat din si Ruvie Honn A. Tani, Presidente ng Division SSLG Federation, kay Mayor Bayron sa pagkakataong ibinigay sa mga young leader na tulad niya. Binati rin niya ng congratulations ang kanyang mga kapwa young leaders.
Dumalo rin sa aktibidad ang ilang miyembro ng Local Youth Council at mga kawani mula sa City DepEd Youth Formation Unit.
Exit mobile version