ODIONGAN, Romblon, Agosto 23 (PIA) — Tiniyak ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Romblon Provincial Fishery Office na pinakikinabangan ng husto ng mga mangingisda ang Community Fish Landing Center (CFLC) na ipinatayo sa iba’t ibang bayan ng Romblon.
Nagagamit ng komunidad sa ngayon ang 12 na CFLC na matatagpuan sa mga bayan ng Ferrol, San Agustin, Sta. Maria, Looc, Alcantara, Santa Fe, San Fernando, Cajidiocan, Magdiwang, Banton, Corcuera at San Jose.
Layon ng pagkakaroon ng mga pasilidad na masigurong mapapabuti ang kabuhayan ng mga mangingisda.
Hangad ng pamahalaang nasyunal na mai-angat ang kabuhayan ng mga mangingisda na naninirahan sa mga komunidad na may mataas na insidente ng kahirapan.
Ang CFLC ay may mga pasilidad para sa pagsasanay sa disaster-resilient fisheries-based livelihood at resource management na siyang tututok sa huling mga isda at magsasagawa ng pagtatasa ng stock.
Maliban dito, maaari rin itong pag-imbakan ng mga magagandang kalidad ng lamang-dagat na mahuhuli at iba pang mga fishery products na maaaring maipagbili sa mas mataas na presyo.
Ayon kay OIC-Provincial Fishery Officer Luisito Manes nais nilang mapanatili ang proyekto kaya’t patuloy aniya nilang tinutulungan ang mga lokal na pamahalaan partikular ang Project Management Committee (PMC) nito.
Aniya, ayaw ng BFAR na masayang ang mga ganito kagandang proyekto na kadalasan ay hindi namamantine lalo na kapag tapos na ang termino ng mga nakaupong opisyal at ang ginagawa nalamang aniya ng PMC ay operational plan ng mga ito na tinutulungan naman ng ahensiya.
Sa kasalukuyan, mayroon pang karagdagang community fish landing center na itinatayo sa mga barangay ng Poblacion, Calatrava, Calabogo, Romblon at Tuminggad, sa Odiongan na pinondohan ng BFAR ng halagang PhP3M bawat isa. (DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)