HPG, pinag-iingat ang mga motorista ngayong Undas; DPWH, naka-alalay rin

Ang lakbay alalay outpost sa Brgy. Sicsican. Photo by Mike Escote/Palawan Daily News

Pinag-iingat ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang mga motorista ngayong Undas.

Ayon kay Police Lieutenant Wilson Nagales ng HPG-Palawan Provincial Office, dapat ay magsuot ng helmet ang mga nagmomotorsiklo para maiwasan ang matinding sakuna kung madisgrasya.

“Unang-una syempre mag ingat, magdala ng safety helmet at syempre pagnagdadala ng motor mayroon tayong tinatawag na lisensya. ‘Yan po ang paalala natin sa mga motorista palaging mag-ingat, sabi pa ni Nagales.

Samantala, kinumpirma rin ni Nagales na umiikot sila sa mga sementeryo para tumulong sa pag-aayos ng daloy ng trapiko. “Sa amin sa grupo ng Highway Patrol Group unang-una syempre motorist assistance, maintenance ng traffic flow,especially sa mga cemetery area tulad ng Puerto Princesa Memorial part at New Cemetery, inaayos namin diyan ang kaayusan ng mga motorista at kaligtasan ng mga mamamayan during ng Undas,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito ay naglagay rin ng Lakbay-Alalay booth ang Third Engineering District ng Department of Public Works and Highways o DPWH na makikita sa gilid ng mga national highway.

Ayon kay Arnold Cahilo, tauhan ng DPWH na nakatalaga sa kanilang booth sa Puerto Princesa City South National Higway, ito ay ginagawa nila tuwing Undas para alalayan ang mga motoristang masisiraan.

“Ang ginagawa namin ginigilid namin ang mga biyahero na masisiraan para hindi mag-cause ng traffic,” pahayag nito.

Mayroon rin umano silang dump truck na panghila kung sakaling kailangang hilahin ang sasakyan patabi ng kalsada.

Magtatagal kanilang Lakbay Alalay hanggang sa November 4,2019.

Exit mobile version